HANGGANG PANGARAP NA LANG

bobby-ricohermoso

ISANG ulat tungkol sa Charles de Gaulle at Orly, ang nakatawag ng aking pansin.

Sa mga hindi pa nakaaalam ang Charles de Gaulle at Orly ay pangalan ng dalawang pangunahing airport sa Paris, France.

Kung iisipin ay hindi naman kasing sikat ang mga nasabing airport ng iba pang paliparan sa Amerika at Europa gaya ng Heathrow sa London at JFK sa New York.

Pero ang nakatatawag pansin sa ulat  hinggil sa dalawang paliparan ay ang naitala nitong record 88.8 million na bilang ng mga pasahero roon noong nakaraang taon.

Ang bilang ay ibinigay ng Paris-based airport operator na Aeroports de Paris (ADP).

Ang nasabi kong bilang ng pasahero ay iyong gumamit lang ng nasabing dalawang paliparan at hindi pa kasama ang mga mas maliit na airport  na gaya ng Marseille, na may 8.3 milyon at Toulouse, na 7.5 milyon na pasahero.

Sa Charles de Gaulle airport pa lang, na kilala rin sa tawag na Roissy ay nagtala na ito ng 61.6 milyon pasahero noong nakaraang taon.

Bakit ko tinatalakay ito?

Masakit kasing isipin na habang ang pamahalaan natin ay gumagastos ng milyon-milyong dolyar para ipagyabang ang bansa sa mundo, ay masaya na tayo pag may limang milyong pasahero ang dumarating sa atin kada taon.

Siguradong bigo ang kampanyang “It’s more fun in the Philippines” pag ganyan ang nangyayari.

Hindi gaya ng Pinas ang Pransya at iba pang mga bansa sa Europa na talagang pupuntahan ng mga tao dahil sa napakaraming  magagandang kadahilanan, unang–una na sa usapin ng seguridad.

Kahit anong gawin ng mga taga-Department of Tourism kung ang mababalitaan naman ng mga dayuhan sa bansa ay kaliwat-kanang patayan, kriminalidad, korapsyon at iba pa ay siguradong giba ang kampanya nila.

Kaya dapat mag-isip na ang pamahalaang Aquino at gumawa na sila ng hakbang para mapaganda ang imahe ng bansa.

Kung hindi ay mananatiling pangarap na lang ang milyon-milyong turistang darating sa bansa na inaasahan nating magpapalakas sa ating ekonomiya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply