HARAKIRI

inton

ANG sabi sa mga kwento, ang mga Hapon daw ay nagpapakamatay kapag nakagawa ng kasalanan na nagbibigay dungis sa kanilang dangal o sa dangal ng kanilang pamilya.

Sa kasaysayan ng kultura ng Hapon, maraming kwento tungkol sa harakiri.  Ang ibig sabihin ng harakiri ay paglaslas ng tiyan na ginagawa sa isang seremonya sa harap ng mga manonood.

Minsan ginagawa ito ng mga sundalong Hapon kung mahuli sila ng kalaban. Imbes na maghirap pa o mapahiya sa pagkakahuli ay mamatay na lang.  Ginagawa rin ito ng isang umamin na nagbigay siya ng kahihiyan sa kanyang angkan.

Hindi nawala ang konseptong ito sa bagong panahon, hindi man paglalaslas ng tiyan ang paraan. May mga kwento ng mga Japanese, lalo ang mga negosyante, na nagsu-suicide kung nalugi sa negosyo o nakagawa ng malaki at nakakasirang-puri na kasalanan.

Ang mga politiko sa kanila ngayong modernong panahon, o mga public servant, hindi man mag-suicide, kung napagbibintangan ng katiwalian ay agarang nagre-resign.

Ito marahil ay para hayaan muna ang imbestigasyon nang sa ganun ay malinis muna muli ang kanilang pangalan bago sila bumalik sa pagsisilbi sa bayan.

Nitong mga nakaraang araw, maraming mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas ang nag-resign daw.  Ehemplo sina Benito Ramos, Executive Director ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at ang Presidente ng PhilHealth na si Eduardo Banzon.  Ang katuwiran ni Ramos ay kailangan niya alagaan ang kanyang asawa at si Banzon naman ay may personal at pampamilyang isipin.

Pinakamatataas na tao ang dalawa sa pinakamalagang ahensya ng gobyerno, ganun ang rason?  Marami ang ayaw maniwala. Bakit daw hindi magsabi ng totoo? May usap-usapan na napagalitan daw si Ramos at hindi na raw happy si PNoy sa kanya. Si Banzon naman may mga usap-usapan na papalitan daw ng isang taong malapit sa Malakanyang.

Ano man ang totoo, hindi maiaalis na mawalan ng tiwala ang tao sa dedikasyon ng mga ahensyang nabanggit kung ganito kalabo at kaduda-duda ang dahilan ng mga opisyal nila sa pagbibitiw. May anomalya ba, may kahihiyang nangyari o pinatalsik dahil hindi maganda ang pakitang trabaho?

Siguro matagal pa ang panahon na maging transparent ang pamahalaan natin sa ganitong mga sitwasyon. May laro ng pulitika, may personal na aspeto siguro o may favoritism pero sana ay hindi malagay sa alanganin ang performance ng mga ahensya lalo na at ang isa ay may kinalaman sa natural disasters at ang isa naman ay sa kalusugan ng bayan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply