Health tips sa prusisyon, inilabas ng DOH

black-nazarene-injury

KASUNOD nang inaasahang pagdagsa ng milyun-milyong deboto ng Itim na Nazareno sa taunang prusisyon sa santo sa Quiapo, Maynila, nagpalabas ng ilang health tips ang Department of Health (DOH) upang makaiwas ang mga deboto sa disgrasya.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag na dapat na maging maingat ang mga deboto sa kanilang kalusugan sa gagawin nilang paglahok sa prusisyon.

Pinayuhan ni Tayag ang mga deboto na magdala ng mga payong at tubig ang mga deboto, magsuot ng maluwag at kumportableng damit at umiwas sa street foods.

Sinabi ni Tayag na mainam na panangga ang payong, maging sa init ng araw o ulan man.

Dapat rin, aniyang, magbaon ng maraming tubig ang deboto upang makaiwas sa dehydration.

Mas makabubuti, aniya, kung magsusuot ang mga deboto ng kumportableng damit dahil tiyak naman aniyang napakaraming tao sa lugar, at malaki ang posibilidad na maraming deboto ang himatayin o mawalan ng malay-tao.

Dapat ring magsuot ng maayos na sapin sa paa upang makaiwas sa mga seryosong pagkasugat.

“Bring (an) umbrella to cover from rain or to get shade against the sun,” tweet pa ni Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC).

“Drink lots of water to prevent dehydration. Wear decent footwear to minimize serious wounds or injuries,” aniya pa.  “Do not wear tight clothing for ease of recovery when you faint.”

Kahit naman bawal ang mga food vendors sa Quirino grandstand kung saan nagdaos ng vigil at pahalik sa Poon nitong Martes, nagbabala pa rin si Tayag sa mga deboto laban sa pagbili at pagkain ng mga street foods, dahil posibleng pagmulan umano ito ng food poisoning.

Payo pa ni Tayag, ang mga taong may allergies ay dapat na magdala ng mga tags na nagsasaad ng kanilang mga allergies para matulungan ang mga health personnel na matukoy ang mga medisina na kanilang kakailanganin.

Binalaan naman ni Tayag ang mga deboto na huwag magdala ng mga matutulis na bagay dahil posibleng makasakit sila ng kapwa deboto.

Ang mga deboto namang posibleng makaramdam ng pananakit ng dibdib o hirap sa paghinga ay pinayuhan ni Tayag na kaagad na humingi ng tulong upang kaagad na mabigyan ng paunang lunas.

Ang mga taong may karamdaman, tulad ng sipon, ubo at lagnat, ay pinayuhang magtakip ng panyo sa kanilang bibig upang hindi makahawa o di kaya’y manatili na lamang umano sa kanilang tahanan at magpahinga upang bumilis ang kanilang paggaling.

Ang mga paslit at matatanda naman ay hindi na aniya dapat pang sumama sa prusisyon upang makaiwas sa disgrasya dahil sa inaasahang labis na pagsisiksikan ng mga debotong nais na makalapit at makahawak sa imahe.

Tiniyak rin naman ng health official sa mga deboto na mayroon silang mga medical teams na nakaantabay at naka-white alert sa mga lugar na daraanan ng prusisyon.

Kinakailangan lamang umanong alamin ng mga deboto ang lokasyon ng mga naturang medical teams upang madali nilang mapuntahan ang mga ito kung kakailanganin.

“Expect the unexpected better still, be prepared for them.  They happen when you thought they will not,” aniya pa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply