Hindi pantay na batas

pakurot

MAGANDA ang layunin ni Pangulong Benigno Aquino III sa pagbabawal sa pagbebenta ng paputok na nagiging sanhi ng disgrasya hindi lang sa matatanda kundi mas lalo sa mga bata.

Umaga pa lang noong Linggo ay ipinag-utos na ni PNoy ang pagpapatupad ng mahigpit na batas sa pagbabawal sa pagbebenta ng mga iligal na paputok kaya’t mabilis na ipinag-utos din ni Philippine National Police chief Dir. Gen. Alan Purisima sa kanyang nasasakupan ang pagpapatupad ng kautusan.

Nakapaloob sa kautusan na hindi lang kailangang kumpiskahin ang mga bawal na paputok kundi kailangang hulihin pati ang ma nagbebenta at bumibili.

Maganda talaga ang layunin dahil isang paraan ito upang matigil ang disgrasyang dulot
ng paputok.

Subalit umiiral sa ating bansa ang pulitika lalo na ngayong nalalapit ang eleksyon.

May ilang huli na inarbor ng politiko dahil alam ng mga nahuli na hindi sila matatanggihan ng mga kandidato sapagkat kailangan ng mga ito ang kanilang boto upang manalo at muling maluklok sa puwesto.

Bukod dito, may ilang pulis na talagang malakas ang loob na balewalain ang utos sapagkat alam nilang hindi naman sila ang nanganganib sa pagpapalusot sa bentahan ng paputok.

Sa CAMANAVA, naging mahigpit sa pagpapatupad ng pagbabawal sa pagbebenta ng paputok. Sakop ng National Capital Region ang nasabing lugar kung kaya’t itong distrito ay sumunod sa kautusan ni NCRPO chief Dir. Leonardo Espina.

Ngunit naging maluwag ang bentahan sa bahagi ng Obando, Bulacan bagaman naging mahigpit sa Bocaue.

Karamihan ng nasa area ng Camanava ay sa Bulacan humango ng panindang paputok.

Kaya naman marami pa rin ang gumamit ng paputok sa halip na torotot at iba pang pampaingay.

Sa Novaliches, kahit nakabantay ang mga pulis sa bahagi ng Park and Ride sa Gen. Luis St., hayagan ang pagbebenta ng mga bawal na paputok.

Paano kasi ay may bendisyon umano ito mula sa mga kinauukulan.

Malaki raw ang bigay nilang “tong” sa lingguhang kolektor ng mga vendor sa lugar.

Ganito rin sa ilang bahagi ng Maynila kung saan hayagan din ang bentahan ng malalakas at imported na paputok.

Sa Tondo lang ay walang tigil ang pagpapaputok ng malalakas na klase nito kung kaya’t marami ang naging biktima na isinugod sa mga pagamutan.

Patunay lang ito na hindi pantay ang pagpapatupad ng batas dahil sa karamihan ay sinasamantala upang magkapera.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply