Ihiwalay ang puti sa de-kolor

_bobby ricohermoso

ISANG bagay lang ang tiyak na patutunguhan ng patuloy na tensyon na namamagitan ngayon sa pagitan ng namumunong Liberal Party (LP) ni Pangulong Noynoy Aquino at sa kaalyado nitong United Nationalist Alliance (UNA) na pinangungunahan naman nina VP Jojo Binay, dating Pangulong Erap Estrada at Senate President Juan Ponce Enrile.

At ito ay walang iba ang paghihiwalay ng dalawang partido at ang tuluyang pagharap ng UNA sa katotohanan na hindi naman sila administrasyon, kaya obligado silang yakapin ang papel bilang oposisyon.

Maliwanag naman kasi na bagamat si Noynoy ang lider ng ruling coalition, ay hindi naman siya ang kumukumpas ng timon dito kundi sina Interior Sec. Mar Roxas, Sen. Franklin Drilon at Budget Sec. Butch Abad.

Dahil doon ay may sariling direksyon na gustong tahakin ang grupo nina Roxas na lahat ay naglalayon para sa tagumpay nila at ng partido sa 2016.

Siyempre hindi naman na masyadong interesado dito si Noynoy dahil siguradong magreretiro na siya sa pulitika pagsapit ng katapusan ng kanyang termino.

Kaya naman hindi kataka-taka na ngayon pa lang ay nagsisimula ng kumilos ang ilang grupo sa loob mismo ng LP.

At hindi nakapagtataka kung kaya nangyayari ang kontrobersya ngayon sa mga kaso nina Pangasinan Gov. Amado Espino at Cebu Gov. Gwen Garcia.

Kahit ano pa ang sabihin ng LP ay maliwanag na political operation ang mga ito na may kaugnayan sa nalalapit na 2013 elections na preparasyon naman sa 2016.

Sa harap ng mga nangyayaring ito, hindi na dapat magpakaplastik pa ang UNA at ideklara na nila ngayon pa lang na kakalas na sila sa koalisyon nila sa LP.

Marami tuloy ang nagmamasid sa mga kaganapan sa pulitika sa bansa ang nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay nakakapit pa rin sina Binay sa laylayan ng pantalon ni Noynoy kahit halata naman na gusto na silang sipain ng mga kasama niya.

Ngayon pa lang ay dapat nang manindigan ang UNA at tanggapin nila na hindi uubra na sa administrasyon sila nagkukunwaring mga taga-oposisyon.

Mas malaki ang mawawalang tiwala sa kanila ng taumbayan dahil lumalabas na wala silang sariling paninindigan at umaasa lang sila sa biyaya at impluwensya na maaring makuha nila sa administrasyon.

Dapat magpakalalaki na sina Binay, Erap at JPE dahil sa pulitika gaya sa paglalaba ay hindi mo puwedeng pagsabayin ang puti at de-kolor.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply