Imbestigasyon ng Kamara sa bidding ng printer, ballot paper, OK sa Comelec

comelec

BUKAS ang Commission on Elections (Comelec) sa anumang imbestigasyon na isinusulong ng Kamara laban sa kanila kaugnay sa nangyaring bidding ng National Printing Office (NPO) sa suplay ng printer at ballot paper para sa halalan sa Mayo 13.

Gayunman, sa kabila naman nito, sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na wala siyang nakikitang dahilan para ituloy pa ang naturang imbestigasyon.

Aniya,  tapos naman na ang bidding at nai-award na ito sa Holy Family Printing Corporation.

Umaasa rin ang poll chief na bibigyan naman sila ng konsiderasyon dahil marami na, aniya, silang kinakaharap na problema sa ngayon dahil sa papalapit na pagdaraos ng eleksiyon.

“Tapos na po ang bidding at na-award na ho ‘yan. Hindi ko alam kung ano na naman ang imbestigahan. Na-take up na namin ‘yan sa oversight congressional committee,” ayon kay Brillantes.

“Wala akong makitang isyu. Kung mayroon hong gusto mag-imbestiga, wala hong problema pero ang sinasabi ko lang ho sana naman e [magbigay sila ng konsiderasyon] sa dami ho ng problema namin, dami naming inaasikaso haharap pa kami sa imbestigasyon,” aniya pa.

Sinabi pa ni Brillantes na nainspeksyon na rin nila ang mga pasilidad ng NPO at nakahanda na ang mga printer at papel mula sa Holy Family.

Nakatakdang simulan ang pag-iimprenta ng mga balota sa Pebrero 4.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply