Immigration dinedma ang warrant vs Pope

John-Holdridge-Pope

HINDI sana naganap ang nangyaring pamamaril ng isang wanted na Canadian national sa Cebu Palace of Justice kamakailan kung saan dalawa ang namatay at isa pa ang kritikal, kung agad inaresto ng Bureau of Immigration batay sa standing warrant laban dito.

Ito ang nabatid ng pahayagang ito kung saan lumabas sa rekord ng kagawaran na may standing ‘Warrant of Deportation’ ang suspek na si John Holdridge Pope, 67, na may petsang Disyembre 6, 2012 at pirmado ni BI Commissioner Ricardo David Jr.

Batay pa sa dokumento, binigyan ng 48-oras si BI acting Intelligence Division chief at spokesperson Atty. Antonette Bucasas Mangrobang upang hulihin, ikulong at ipatapon palabas ng bansa si Pope.

Subalit, sa hindi malamang dahilan, ‘di umaksyon si Mangrobang sa direktiba at nauwi sa trahedya ang lahat nang “maghuramentado” si Pope sa Cebu Palace of Justice noong Enero 22, 2013 gamit ang isang .38 revolver.

Patay sa pamamaril ni Pope si Atty. Juvian Achas at Dr. Rene Rafols, sa loob ng Branch 6 ng Cebu Municipal Trial Court sa ika-apat na palapag ng gusali.

Patakas na noon si Pope nang makasalubong si Cebu City Assistant Prosecutor Maria Theresa Casiño na binaril at tinamaan sa leeg.

Nasa kritikal pa ring kondisyon ang piskal habang nagpakamatay naman si Pope nang masukol ng mga awtoridad.

Hindi naman makunan ng pahayag si Mangrobang na umano’y nasa isang “official trip” sa China.

Nabatid pa na noon pang Oktubre 2012, may desisyon na ang BI Board of Commissioners na agad hulihin at ikulong si Pope subalit hindi rin ito naipatupad ni Mangrobang.

Si Pope ay dati nang nakalagay sa “watchlist” at “blacklist” ng BI at may kinahaharap na ring “deportation case” sa kagawaran noon pang isang taon.

Bagaman matagal na umanong alam ng BI na nasa Cebu ang suspek, walang ginawang aksyon ang kagawaran upang madakip ito.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply