INVISIBLE COPS

pakurot

DAHIL sa ginawang pangingikil ng pulis sa anak ni National Capital Region Police chief Dir. Leonardo Espina noong Setyembre ng nakaraang taon, maraming sistema ang tinanggal ng nasabing opisyal tulad ng pagkakaroon ng mobile patrol division at units.

Sa halip, ipinatupad ni Espina ang pagbabantay ng mga pulis sa kalye at barangay na maihahalintulad sa sistema noong foot patrol ang mga pulis kung saan kinakaibigan ng mga alagad ng batas ang mga residente at mamamayan upang mapabilis ang pagkuha ng impormasyon at pagsugpo ng krimen.

Maganda ang layunin ng heneral na kaklase ni Philippine National Police chief Dir. Gen. Alan Purisima sa Philippine Military Academy Class ’81. Nais nito na matigil ang katiwalian sa hanay ng mga pulis at ayaw niyang maulit ang nangyari sa kanyang anak na nabiktima ng pangongotong.

Pero parang may mali sa pag-aalis ng mobile patrol division o unit na dapat sana ay nag-iikot sa mga pamayanan upang matiyak na ligtas mula sa mga masasamang loob na umaali-aligid sa mga lugar at kumukuha ng tiyempo upang gumawa ng masama.

Halimbawa na kung bakit napakarami ng patayan sa Maynila at Quezon City ay dahil sa kawalan ng mga sasakyan ng pulis na nagbabantay sa mga delikadong lugar.

Ang nangyayari ngayon, nakaparada ang mobile patrol units pero wala naman ang pulis na dapat sana ay nakabantay at lulan sa mga sasakyang ito.

Natural lang na natiktikan at napag-aralan na ng mga kriminal ang aktibidad ng mga pulis kung kaya’t maluwag at matagumpay nilang naisasagawa ang kanilang masamang plano.

Bukod pa sa ang mga pulis na itinalaga sa mga barangay ay hindi naman pumapasok at sa halip ay kinakasabwat ang mga opisyal ng barangay upang sabihin sa kanilang supervisor na nagtse-check ng kanilang attendance na araw-araw silang nagre-report sa trabaho.

Nagiging daan lang itong sistema ni Gen. Espina sa pagiging tamad o malatuba ng mga pulis.

Maging ang personnel na nasa station ay nilalagyan na lang ng mga pulis na halos 15-30 na lang kung pumasok matapos maitalaga sa barangay upang hindi naman mai-report sa district personnel.

Dapat lang na matigil na ang kalakarang ito dahil talagang walang pulis na ang halos ay nagdu-duty at nagre-report sa trabaho. Kaya naman kapag oras na kailangan ng mga taong nabiktima ng krimen ay walang matakbuhan.

Halimbawa na lang ang nangyari sa Aurora corner Edsa sa Cubao noong Sabado ng alas-11 ng gabi kung saan isang pasahero ng jeepney ang naagawan ng cellphone ng isang lalaki.

Matapos gawin ang krimen ay tumalon lang sa kabila ng island at nagpalit ng damit.

Walang nahingan ng tulong ang biktima dahil wala namang pulis sa nasabing lugar.

Nawawala ang pulis na dapat sana ay reresponde sa tawag nang pangangailangan.

Wala ring mobile patrol unit na sana ay tutugis sa kriminal.

Kanino ngayon hihingi ng tulong ang biktima? Pupunta sa station 7 kung saan walang pulis na madaratnan dahil may operation kuno? Patawa ng hepe ninyong kalbo.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply