‘IT’S MORE FUN IN THE PHIL.’: SHOOTOUT AT MASSACRE

_benny antiporda

KAILANGANG palalimin nang husto ng mga awtoridad ang naganap na patayan sa Atimonan, Quezon.

Hindi lang hanggang shootout at rubout ang dapat na titigan at halukayin sa kaso.

May posibilidad na may malalim na usapin sa krimen.

SHOOTOUT O RUBOUT?

Ayon sa mga nagsagawa ng checkpoint na mga pulis at militar, hindi huminto sa checkpoint ang dalawang sinakyan ng mga napatay.

‘Yun bang === unang checkpoint dahil may dalawang inilatag na checkpoint na may distansiyang 500 metro sa isa’t isa.

Ngunit may report din sila na huminto rin ang mga ito sa ikalawang checkpoint na hawak ng mga army at isang pulis ang kumausap sa kanila para bumaba.

Dito tumutugma ang kuwento ng isang sibilyan na inutusan ng isang pulis ang mga may sasakyan na bumaba ngunit, sa halip na sumunod, pinutukan ito.

Dito na nagsimula ang putukan na ikinamatay ng lahat ng 13 katao na laman ng dalawang sasakyang Mitsubishi Montero.

GUN FOR HIRE

Unang inilabas ng pulisya ang anggulong gun for hire o upahang mamamatay-tao ang lahat ng mga sakay ng dalawang sasakyan.

Pero matapos nito, lalo na nang may nagreklamo nang hindi shootout kundi rubout ang naganap, naglabas na rin ang mga nag-checkpoint na pulis ng sari-saring kasalanan ng mga napatay o ilan sa mga ito.

Andiyan ‘yang protection racket umano na trabaho ng mga pulis, iba pa ang paratang na sangkot sa malakihang iligal na sugal ang mga napatay.

Mayroon din umanong droga na inilalakad ng mga ito.

At ang isang misteryo, may malaking halaga umano na dala-dala ng mga napatay ngunit walang ulat ang mga pulis ukol dito.

Mayroon ding malapit nakamag-anak ng isang cabinet secretary ni Pangulong Noynoy na kasama sa mga napatay.

INOSENTE AT LEHITIMO

Ayon sa mga kamag-anak ng ilan sa mga napatay, walang lakad na iligal ang kanilang mga kamag-anak.

Mahirap din umanong isipin na sangkot sa kailigalan o kademonyohan ang lahat ng mga napatay gaya ng isang kernel ng pulis at dalawang iba pang pulis.

Mayroon ding isang kagawad ng Philippine Air Force at kagawad ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines.

Mayroon namang security guard sa mga napatay.

MALAKING KATANUNGAN

Hangga’t hindi malinaw nang husto sa madlang people ng mga awtoridad ang buong katotohanan sa kasong ito, magkakaroon ng mga pagdududa sa mga ginagawa ng mga pulis at militar sa isinasagawa nilang mga checkpoint.

Magiging kaduda-duda rin ang mga pahayag ng mismong pamahalaan sa katulad na pangyayari.

Parang matutulad ang mga pahayag ng pamahalaan sa marami nang kasong naeng-kuwentro umano ngunit sa huli ay binabalot ng mga pagdududa dahil sa sinasabi ng mga saksi na rubout o masaker ang mga nagaganap.

NAKATAYA ANG BUHAY

Nakatatakot talaga ang naganap na patayang ganito sa mga checkpoint.

Paano kung maulit ang ganito sa mga sibilyan na walang malay sa pagiging utak-pulbura ng mga tao ng pamahalaan? Paano kung tamaan ng nerbiyos ang mga laman ng mga sasakyan at pagraratratin sila ng mga nagtse-checkpoint?

Paano kung hindi na malaman ng mamamayan kung tunay o peke ang mga checkpoint? Dahil sa totoo lang, kung may checkpoint ang mga pulis at militar na tunay, may mga checkpoint din na hindi mo malaman kung tunay o hindi! Ang dami niyan at malalaman mo kung mahilig kang magbiyahe nang malayuan.

Kung itinuturing mo ang buong Pilipinas na “pasyalan” at naniniwala kang “It’s more fun in the Philippines.”

MABILIS AT TOTOO

Para mapawi ng pamahalaan ang mga pagdududa sa mga patayang ganito, dapat na huwag itong maglihim ng kahit kabuhok na usapin.

Dapat nitong ilabas ang buong katotohanan at dapat din itong mabilis na magpahayag ng katotohanan.

Ganito dapat talaga ang mangyari lalo’t mabilis na dumarating ang halalan.

At ikinakampanya pa naman ng Department of Tourism na “It’s more fun in the Philippines.”

Kapag hindi kumilos ang pamahalaan gabay ang buong katotohanan at kung kumilos ito na parang pagong sa paghahayag ng buong katotohanan, may malilikhang hindi maganda hindi lang sa mamamayan kundi maging sa mga turista.

MAY RUBOUT NA MAY MASAKER PA

Ang inaalala natin, mga Bro, ay ang impresyon na nililikha ng patayang ito.

Paano kung idagdag dito ang Kawit, Cavite massacre. Paano kung magiging sikat sa buong mundo ang mahal kong Pinas na rubout capital at massacre capital sa Asya o sa buong mundo kaya?

Paano ang mga sunod-sunod na kaso ng mga patayan, rape, pugot-ulo at iba pang masasamang nagaganap na krimen?

Patay kang turismo ka! At patay kang Pinoy ka!

NAKATATAKOT

Hindi natin dapat hayaan na matanim sa utak ng mamamayan na hindi na sila ligtas sa loob at labas ng kanilang mga bahay.

Mantakin ninyo, ‘yung nangmasaker sa Cavite, pumasok sa bahay ng may bahay para lang pumatay.

At ‘yung mga napatay sa Quezon, lumabas sa kanilang mga bahay, kampo at opisina para lang mapatay lahat sa huli.

Kung hindi mapapawi ang takot ng mamamayan sa mga usaping ito, anak ng tokwa, ano ang mangyayari sa mahal kong Pinas?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply