Kailangan bang ipagbawal?

sibol5

BAGO sumapit ang Bagong Taon, nagkaroon na naman ng kampanya laban sa paputok. Selebrasyon kasi ng papasok na Bagong Taon.

Sa mga TV show may mga ipinakita pang paraan ng first-aid kung sakaling maputukan ang isang tao.

Nakatatakot ang mga ipinakitang mga patalastas: mga batang sabog ang mukha, mga putol na daliri at mga laslas na braso dahil sa paputok.

Si Dr. Eric Tayag ng Department of Health ay sayaw naman nang sayaw ng Gangnam Style sa kung saan-saang programa para hikayatin ang mga tao, lalo ang kabataan, na sumayaw na lang imbes na magpaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. Masaya na ligtas pa, sabi niya.

Taon-taon na lang ang ganitong eksena. Lagi na lang, parang bagyo, ang pangarap natin na zero casualty ng paputok ngunit nabigo pa rin tayo.

Kamakailan sa mga dyaryo, headlines ang mga taong gumagawa ng paputok. Sa larawan pa lang ay makikita mo na agad na hindi ligtas ang nakagawian ng iba sa paggawa ng mga ito.

Pero may industriya naman kasi ng paggawa ng paputok sa bansa. Mga manufacturer ng mga firecracker na base sa maayos at ligtas na proseso.

Mga negosyante na naniniwala na puwedeng maging ligtas na hanapbuhay ang paggawa at pagbebenta ng mga paputok.

Pero tuwing Bagong Taon, habang umaakyat ang bilang ng mga biktima, nasisira ang pag-asa ng mga matitinong manufacturers na maging katanggap-tanggap nga ang kanilang industriya dahil siguro sa hindi pagsunod sa batas ng ilan at dahil na rin sa kapabayaan.

Pero kailangan pa bang ipagbawal ang paputok para maging mapagbantay ang mga magulang para sa kapakanan ng mga anak?

Sa ating mga magulang, wala nang usapan pa, bawal na sana sa kabataan ang humawak o lumapit man lang sa anomang uri ng paputok dahil sa simpleng dahilan, na mapanganib ang paputok at hindi sapat ang kakayahan ng mga bata para mapangalagaan ang mga sarili.

Mahirap talaga na tuluyang ipagbawal ang paputok, naging tradisyon na kasi ng mga Pinoy kaya may lulusot talaga at igigiit ito.

Pero hindi na sana kailangang ipagbawal pa.

Magtanda na tayo, nakita naman natin kung gaano karami ang mga dinadala sa mga ospital na nabibiktima.

Hindi lang ang sarili natin ang napeperhuwisyo kundi ang buong komunidad, barangay leaders, mga doktor at kung sino-sino pa na aagapay sa mga biktima.

Ingat lang sana. Maging responsable sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

Happy New Year to all.

ariel.inton@gmail.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply