KANIN

inton

ILANG taon na rin na nangangako ang ating pamahalaan na magiging ‘rice self-sufficient’ daw tayo.

Ang ibig sabihin ay kaya na natin na huwag mag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa at tayo na mismo ang magsu-suplay ng bigas para sa lahat ng pangangailangan ng buong Pilipinas.

Pero hanggang ngayon ay hindi pa nangyayari ito. Patuloy pa rin tayong nag-i-import ng bigas sa ibang bansa.

Ayon sa mga eksperto medyo mahirap daw makamit ang pangarap na ‘rice self-sufficiency’ sa ngayon lalo pa at hindi halos tantanan ang Pilipinas ng mga bagyo.

Tuwing may bagyong nananalasa, sira ang pananim, wasak ang palay, kulang na naman ang ani.

Pero interesante ang komentaryo ng isang eksperto na napanood ko minsan.

Bakit natin ipipilit ang ‘rice self-sufficiency’ kung ang mas importante naman ay ‘food security’.

Oo nga naman, mas mahalaga naman na hindi gutom ang tao kumpara sa gusto nating ipilit na hindi na tayo mag-aangkat ng bigas.

Hindi masama ang mag-angkat ng bigas para matustusan ang pangangailangan ng Pinoy sa kanin.

Ang sabi pa ng eksperto, simbolo raw kasi ang kanin – sa isang pamilyang Pinoy basta may kanin kahit walang ulam ay okay na at kung walang maihaing kanin ay parang kawawang-kawawa talaga.

Naging mahalagang parte ng hapag-kainan ang kanin samantalang sa mga nagbabantay ng kalusugan ay medyo hindi na dapat ang pagkain ng maraming kanin.

Kaya nga sa mga nagdidyeta ay kanin ang unang pinababawasan.

Sa ibang bansa, tinapay ang mas mahalaga pero sa atin, hindi kumpleto ang pagkain kung walang kanin.

Sinalanta na naman ng bagyo ang Mindanao kamakailan, nasira na naman siguro ang mga palayan.

At may bago nang hepe ang National Food Authority. Ito ang mga bagong balita na inaabangan natin, kung ano ang epekto nito sa usapin ng bigas at kanin.

Para sa akin, mahalagang matutukan ang isyu ng dumaraming gutom na mga Filipino.

Pero sang-ayon ako sa panukala ng eksperto na nagsabi na hindi na muna natin ipipilit ang ‘rice self-sufficiency’ dahil uunahin na muna ang ‘food security’.

Mabuti at may bigas pa tayong naaangkat mula sa ating mga karatig-bansa.

Hindi importanteng usapin sa ngayon ang pagpipilit na hindi na tayo kumuha ng bigas sa ibang bansa.

Marami pa tayong dapat harapin, una na ang pag-aayos ng mga nasira ng mga nakaraang bagyo at ang pagsisikap ng pamahalaan na bumaba na sana ang numero ng mga gutom na Filipino.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply