KARUWAGAN

by the square

HINDI kataka-taka na iniurong ng mga kongresman na linyado ng Pambansang Demokrasya o National Democracy ang kanilang suporta sa nakabinbing House Bill 6766 o Freedom of Information Bill dahil talagang hindi naman nila ibig pumasa ito.

Oo nga, maaring depektibo ang HB 6766 dahil na rin sa diumanong presyur ng Malacañang pero kung maipapasa ito kahit sa kasalukuyan umanong depektibong porma nito ay magagamit itong tuntungan sa kinabukasan para maipasa ang isang tunay na FOI.

‘Ika nga, isang maliit na hakbang pasulong ito na higit na mabuti kaysa sa kawalang hakbang.

Ang palusot ni Rep. Teddy Casiño ng Bayan Muna Partylist ay hindi nila nakikitang magbibigay daan ang HB 6766 sa tunay na malayang daloy ng impormasyon dahil sa mga probisyon na isiningit ng Malacañang ay mababaw.

Ito ay mukhang dikta lamang ng kanyang kinaaanibang kilusan tulad ng mga dikta nito na guluhin ang mga pulong ng Akbayan.

Malinaw na hindi binibigyang halaga ni Casiño at mga kasama nito sa Kongreso ang katiting na buti na idudulot nang pagpasa ng nakabinbing HB 6766.

Para sa kanila ang katiting na kabutihang ito ay ilan lamang sa mga dahilan na magpapalayo sa kanilang adhikain na makapagtayo ng isang pambansang demokratikong lipunan dito sa ating bayan.

Malinaw din na hindi pabor sa idolohiya nila ang kabutihan ng masa.

Mas iibigin nila na naghihikahos ito upang makapangalap ng mga kasama at maisulong ang kanilang mga istratehikong programa, kesehodang magutom o maghirap ang bayan.

Naaalala ko tuloy noong 1985 nang magpasya ang mga kapwa “ND” ni Casiño na boykotin ang snap election ng diktador na si Ferdinand Marcos.

Ang kanilang maling pasya ang nagtaboy sa kanila palayo sa masang diumano ay pinaglilingkuran nila.

Maliban kay Casiño ay nagpahayag din ng pag-urong ng suporta ang mga tulad niyang ND na sina Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, Anakpawis Rep. Rafael Mariano, Gabriela Reps. Luz Ilagan at Emmi de Jesus, ACT Rep. Antonio Tinio at Kabataan Partylist Bong Palatino.

Sa kabila ng pangako ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III noong siya ay tumatakbo pa lamang para sa pagka-Pangulo na susuportahan niya ang pagpasa ng FOI upang maisabatas ito ay wala na itong ginawa para kumilos ngayon ang Kongreso.

Sa katunayan ay isa pa siya sa mga nag-aatubili sa kasalukuyan na maipasa ito.

Kitang-kita ang kaibahan ng tikas ng kanyang mga kilos noong pinatatalsik niya si dating Chief Justice Renato Corona sa poder at lamya ngayon ang kanyang mga galaw kaugnay sa usaping ito.

Layunin ng FOI na bigyang kapangyarihan ang bayan na busisiin ang mga dokumentong bayan lalo na ‘yung may mga kaugnayan sa kontratang pinapasok ng mga nasa poder.

Dahil sa kapangyarihang ito ay magdadalawang-isip ang sino mang gagawa ng kalokohan sapagkat magiging madali sa bayan na bistuhin siya.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply