Kaso ng anthrax sa Abra iniimbestigahan na ng DOH

abra

INIIMBESTIGAHAN na ng Department of Health (DOH) ang mga ulat na may mga taong nabiktima ng cutaneous anthrax sa Lagangilang, Abra noong Disyembre.

Ayon sa DOH, nagpadala na sila ng grupo ng mga health official sa naturang lugar na tutulong sa mga local official at mga tauhan ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa pagsasagawa ng imbestigasyon.

Batay sa ulat na natanggap ng DOH, 23 kaso ng hinihinalang cutaneous anthrax ang naitala sa Lagangilang, Abra noong huling linggo ng Disyembre at kinabibilangan ng mga lalaki na nagkakaedad ng mula dalawa hanggang 52-anyos.

Wala naman umanong naiulat na nasawi sa mga pasyente bagamat nakitaan sila ng mga sintomas ng cutaneous anthrax.

Kaagad namang nilinaw ng DOH na ang anthrax ay endemic sa Pilipinas at kalimitang nakaaapekto sa mga hayop tulad ng kalabaw.

Maaari naman umanong mahawa ang tao ng anthrax kung malalantad ito sa hayop na may taglay nito.

Ayon kay Health Assistant Secretary Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), may tatlong uri ng naturang sakit na kinabibilangan ng cutaneous, inhalational at gastrointestinal, depende sa paraan ng transmission nito.

Aniya, ang inhalational at gastrointestinal ay madalang lamang habang ang cutaneous anthrax naman ay karaniwang nagaganap bilang resulta ng hindi ligtas o hindi tamang paghawak sa isang patay na hayop.

“One can get cutaneous anthrax thru tiny cuts in the skin that come in contact with spores found in sick or dead animals,” tweet ni Tayag.

Maaari naman umanong magkaroon ng complete recovery ang isang pasyente dahil ito’y mayroon lamang napaka-benign na clinical course.

Ang mga dinapuan ng karamdaman ay maaari umanong bigyan ng antibiotics bilang lunas at prophylaxis, habang ang mga makikitaan ng seryosong sintomas tulad ng mataas na lagnat, hirap sa paghinga at abnormal na pagdurugo ay kinakailangang isugod na sa pagamutan.

Pinayuhan rin naman ng DOH ang mga mamamayan na kaagad na i-report sa mga awtoridad ang mga hindi inaasahang pagkamatay ng isang hayop mula sa karamdaman.

Nagbabala pa si Tayag na hindi dapat na kainin ang mga namatay na hayop dahil sa panganib na maging sanhi ito ng karamdaman, tulad ng anthrax.

Ang mga nagkaroon umano ng skin lesions sa loob ng dalawa hanggang limang araw dahil sa maling paghawak sa mga patay na hayop ay dapat na kaagad kumonsulta sa doctor.

Mahigpit rin ang mungkahi ng DOH na pabakunahan ang mga hayop laban sa anthrax.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply