Kaso sa mga nasibak na pulis Calabarzon, pinag-aaralan na ng PNP

PINAG-AARALAN na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga kasong posibleng kaharapin ng mga opisyal at tauhan ng Police Regional Office 4-A na sangkot sa Atimonan incident.

Kabilang sa mga ipinasibak ni Pangulong Benigno Aquino III kahapon (Martes) si Chief Supt. James Melad, bilang hepe ng pulisya sa Calabarzon.

Ang pagkakasibak kay Melad ay dahil sa kawalan na ng kumpiyansa ng Pangulo dito matapos ang serye ng mga insidente ng mga pumapalpak na police operation sa kanyang nasasakupan.

Ayon kay PNP chief, Director General Alan Purisima, kasong grave-misconduct o gross neglect of duty ang kasong administratibo na maaaring kaharapin ng mga nasibak na pulis.

Nilinaw naman ni Purisima na ang mga opisyal ng pulisya at mga tauhan na direktang nagsagawa ng checkpoint operations sa Atimonan ang magkakaroon ng pre-charge dahil sa paglabag sa police operational procedures.

Lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng fact finding team mula sa Kampo Crame, dapat sana ay sinunod ng mga pulis ang Police Operational Procedure (POP).

Batay sa proseso, ibibigay ang rekomendasyon sa Directorate for Investigation and Detection Management (DIDM) para sa pre-charge evaluation saka naman magsusumite ng rekomendasyon ang DIDM kung isasailalim ang mga pulis sa summary hearing.

Ayon pa kay Purisima, dito na bibigyan na pagkakataon ang mga pulis na magpaliwanag ng kanilang panig at iprisenta ang kanilang mga ebidensiya saka siya magbababa ng desisyon hinggil dito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply