KASUHAN ANG DAPAT KASUHAN

bobby-ricohermoso

MABUTI naman at itinigil na nina Senate President Juan Ponce Enrile at Sen. Miriam Defensor Santiago ang kanilang bangayan.

Hindi na kasi maganda ang impresyong nililikha ng kanilang awayan sa mata ng publiko dahil nabunyag pa ang mga itinatagong kabalbalan ng mga mambabatas.

Dahil sa mga kaganapang ganito ay unti-unti tuloy na gumuguho ang imahe ng Senado sa mata ng publiko.

Pero naniniwala ako na sa kabila ng desisyon nina JPE at Miriam na ihinto na ang away ay dapat namang imbestigahan ang ilang mga bagay at isyu na nabunyag dahil sa away na iyon.

Katulad na lamang, halimbawa, ng nabunyag na hindi naman pala nagbibigay ng resibo kahit sino mga mambabatas kapag may tinatanggap silang pera para sa kanilang maintenance, operating and other expenses (MOOE).

Maliwanag na pera ng taumbayan iyon kaya dapat lang na malaman nila kung saan napunta at paano ginagastos ng mga mambabatas ang pera nila.

Dapat ding umaksyon ang Commission on Audit (CoA) sa ibinunyag naman ni Sen. Panfilo Lacson na may senador na isinama pa sa payroll niya pati ang suweldo ng mga kasambahay niya at pati ang grocery allowance sa bahay nila ay kinukuha pa sa Senado.

Nagtayo rin daw ito ng satellite office at nagrenta pa sa isang gusali na pag-aari naman ng pamilya nila.

Hindi biro ang mga ibinunyag na ito ni Sen. Lacson at maaari itong maitulad sa Pandora’s box.

Kung ginagawa kasi ito ng mga senador, imposible rin ba itong gawin ng mga kongresista, ng mga gobernador, ng mga mayor at maging ng mga kagawad ng mga lungsod at bayan?

Kung hindi kasi bubusisiin ito ay malamang na magpatuloy ang walang pakundangang paglustay ng mga opisyal na halal ng bayan hindi lang sa Senado kundi maging sa lahat ng antas ng pamamahala.

At sana huwag matapos sa pagbusisi lang kundi kailangang masampahan ng karampatang kaso ang mga napatunayang nagsamantala sa kaban ng bayan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply