KONTRA KRIMEN

ALINGAWNGAW_Alvin-Feliciano_WEB

NAGBIGAY ng direktiba si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, III sa Philippine National Police na paigtingin ang paglaban sa krimen sa pamamagitan ng paghabol sa mga loose firearm na kadalasang ginagamit ng mga kriminal sa kanilang masamang gawain.

Bukod dito, ipinag-utos din ng Pangulo ang higit pang pagpapaigting sa krusada ng pulisya upang maaresto ang mga drug dealer at pusher na isa rin sa nagiging dahilan kung bakit tumataas ang bilang ng krimen sa bansa.

Naniniwala kasi si Pang. Aquino na sa pamamagitan ng pagsugpo sa dalawang ugat ng krimen ay mababawasan ang paglaki ng bilang ng mga nagiging biktima ng mga pasaway nating kababayan na walang ibang inisip kundi ang maghasik ng lagim.

Kapag nakuha na kasi ng kapulisan ang mga loose firearm ay tiyak na mahihirapan nang makagawa ng krimen ang mga kriminal dahil kapag mga rehistradong armas ang kanilang ginamit ay tiyak na mapadadali ang pagkilala sa kanila.

Magiging madali na rin sa pulisya upang mabigyan ng solusyon ang mga magaganap na krimen sakaling walang loose firearm na palagi na lamang ginagamit ng mga kriminal sa kanilang masamang gawain.

Sa kaso naman ng stray bullet victim na si Stephanie Nicole Ella, ipinag-utos na rin ni Justice Secretary Leila de Lima sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon upang mapadali ang pagresolba sa kaso ng pitong taong gulang na bata.

Dahil sa kautusan ni De Lima ay nabigyan ng kasiyahan ang pamilya ni Stephanie Nicole dahil mas madali na nilang makakamit ang hustisya sa pagpasok ng NBI sa pag-iimbestiga sa kaso ng batang biktima.

Bagama’t hindi tumitigil ang Caloocan City Police sa kanilang trabaho upang mabigyan ng solusyon ang kaso ni Stephanie Nicole ay mas mabuti na rin kung dalawang ahensiya ang mag-iimbestiga dahil mas mapabibilis ang paglutas dito.

Umaasa rin ang pamilya ng biktima na hindi magtatagal ay mabibigyan ng hustisya ang kamatayan ni Stephanie Nicole at hindi maglalaon ay maaaresto rin at makukulong ang may kagagawan ng krimen.

Hanggang sa ngayon ay patuloy rin ang pagdagsa ng ating mga kababayan sa lamay ng biktima na siya namang ginagawang sandigan ng pamilya ni Stephanie Nicole upang magkaroon ng lakas ng loob para makayanan ang matinding pagsubok na nagaganap sa kanilang pamilya.

Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay matutukoy na ang pagkakakilanlan ng taong may kagagawan ng maagang pagkamatay ng batang biktima.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply