Lehitimo ang operasyon sa Atimonan – AFP

AFP-HQ

NANINDIGAN ang Armed Forces of the Philippines na lehitimo ang ginawa nilang operasyon at checkpoint sa Atimonan, Quezon noong Enero 6, na naganap ang madugong engkwentro .

Ito ang inihayag ng mga sundalo na kasama sa nasabing checkpoint sa isinumiteng affidavit sa NBI-Death Investigation Division (NBI-DID) na nagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.

Ayon kay Atty. Crisanto Buela, abogado ng special forces ng AFP, hindi na pinadalo ang mga sundalo sa ginagawang imbestigasyon ng NBI at sa halip ay inatasan silang manatili nalang sa kanilang mga quarters.

Apat na opisyal naman ng AFP ang humarap sa imbestigasyon na kinabibilangan nina Col. Monico Abang, hepe ng 1st Special Forces Batallion, Capt. Erwin Macalinao, Cmdr ng 3rd special forces company, na nanguna sa hanay ng mga sundalo sa checkpoint, Gen. Allan Luga, Commander ng Southern Luzon Command, Gen. Alfredo Peralta, 2nd Infantry Division Commander.

Ayon kay Buela, si Marantan ang unang lumapit kay Abang para humingi ng tulong sa kanilang gagawing operasyon laban sa isang fully armed group na dadaan sa Atimonan.

Iginiit kasi, aniya, ni Marantan na kulang sila sa armas, bukod pa sa mayroong memorandum of agreement sa pagitan ng PNP at AFP para sa pagsasagawa ng joint checkpoint.

Batay din, aniya, sa salaysay ng mga nasabing sundalo na kasama sa checkpoint ay mga lalaki na nasa loob ng sasakyan ang naunang magpaputok ng baril kaya naman napilitan na rin silang magpaputok.

Sinabi naman ni Buela na naisumite na nila sa NBI ang lahat ng mga armas na ginamit sa checkpoint.

Matatandaan na sa nasabing insidente ay ilang sundalo rin ang namatay.

Sa ngayon, on-going pa ang imbestigasyon ng NBI-DID kung saan kasama rin sa humaharap ay ang sinibak na Regional Director for Region IV-A Calabarzon na si Chief/Supt. James Melad.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply