Libreng pagsasanay sa paggawa ng sapin sa paa gagawin sa Marikina

shoe-making-marikina

INAANYAYAHAN ng lokal na pamahalaan ang mga Marikenyo na makiisa sa libreng pagsasanay sa paggawa ng sapin sa paa (footwear) ngayong buwan ng Pebrero.

Ang “Footwear Making Skills Training Program” na isasagawa sa pangunguna ng Marikina Livelihood Training Center (MLTC) ng Community Relations Office, Marikina Shoe Industry Development Council, at ng Philippine Footwear Federations, Inc. ay naglalayong turuan ang mga residente lalo na ang mga kabataan sa Marikina hinggil sa proseso ng paggawa ng matitibay at dekalidad na sapatos kung saan nakilala ang lungsod ng Marikina.

Isasagawa ang orientation sa mga lalahok sa ika-8 ng Pebrero, sa ganap na ika-2 ng hapon sa ikalawang palapag ng Marikina Sports Park Building. Ang pagsasanay ay sisimulan sa ika-11 ng Pebrero sa Philippine Footwear Federation, Inc. sa Brgy. Concepcion Dos.

“Bukod sa dagdag na kasanayan, maaaring magamit ng mga mag-aaral ang kaalamang makukuha rito upang magkaroon ng dagdag na mapagkakakitaan, dagdag pa ang posibleng ambag nila sa pagpapasigla ng ating industriya ng sapatos,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Ituturo ng MLTC ang iba’t ibang technique sa pagbuo ng desenyo ng sapin sa paa, pattern-making, shoe-lasting, shoe-attaching, finishing, at pangangalaga sa mga sapatos.

Ang mga interesado ay inaabisuhang magsumite ng mga sumusunod na dokumento: barangay clearance, voter’s ID o voter’s verification slip, dalawang pirasong 1×1 ID na larawan.

Para sa mga menor de edad na nais sumali, kinakailangan ding magpasa ng kopya ng voter’s ID ng magulang o tagapangalaga (guardian), at letter of consent na pinapayagan ang menor de edad na kumuha ng nasabing kurso.

Para sa iba pang impormasyon hinggil sa proyektong ito, mangyaring bumisita sa Marikina Livelihood Training Center sa ikalawang palapag ng Marikina Sports Park, Brgy. Sta. Elena o tumawag sa numero bilang (02) 482-7172.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply