Life sentence sa supplier ng illegal firearms niluluto

honasan

NILULUTO na ang panukalang batas sa Senado na naglalayong patawan ng parusang habambuhay na pagkakakulong sa sinumang mapatutunayang supplier, manufacturer, importer at distributor ng illegal firearms kabilang ang 12 taong pagkakakulong sa illegal possession nito.

Ayon kay Senador Gregorio Honasan, mula sa dating anim na taong pagkakakulong, gagawin nang 12 taong pagkakakulong ang parusang ipapataw sa sinumang mapatutunayang may hawak ng illegal firearms kahit empleyado man o hindi ng Estado.

“Malapit nang maluto ang panukala na gawing 12 taong pagkakakulong ang sinumang mahuhulihan ng illegal na baril,” ayon kay Honasan.

Bukod dito, sinabi pa ni Honasan na habambuhay na pagkakakulong naman ang ipapataw sa sinumang mapatutunayang manufacturer o dealer ng illegal na baril.

Nangako naman si Honasan na pabibilisan ng Senado ang pagtalakay sa panukala upang makapagsumite kaagad ng committee report sa plenaryo sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Enero 21.

Sa pagbubukas  ng sesyon, may siyam na araw na sesyon lamang ang Kongreso bago mag-recess para sa kampanya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply