MAGBANTAY LABAN SA SUNOG

benny antiporda

GRABE ang sunog, nakakikilabot.

Sa mga napupuntahan nating nasusunugan, hindi natin mailarawan sa salita ang ating nararamdaman.

Paano mo maisasalin sa salita ang sakit na nararamdaman ng isang biktima na mabilis na nalilitson nang buhay?

At ang mga nakaliligtas na may third degree burns, gaano kasakit?

Lalo na kung naputulan na sila ng mga kamay, nabulag at iba pa!

Paano ang mga nawawalan ng mga tahanan at ari-arian na pumusta ng kanilang buhay, kinabukasan at nagtiis ng hirap sa matagal na panahon para mapundar lang ang mga ito para na rin sa kanilang kinabukasan?

233 PATAY SA BRAZIL

Tinatalakay natin ito, mga Bro, dahil sa sunog na naganap sa isang disco house sa Sta. Maria, Southern Brazil.

Iniulat na may 233 kataong nalitson nang buhay o namatay dahil sa stampede.

‘Yun bang === unahan ng pagtakbo palabas hanggang sa magbara ang mga lagusan o pintuan at mamatay na lang sa apak ang iba hanggang sa magtalunan sa bintana ang iba pa at mamatay rin.

Sa kalaunan, ang mga natumba, nadaganan at napilayan ay lalamunin na rin ng nagngangalit na apoy.

160-162 SA OZONE DISCO

Dahil sa sunog sa Brazil, biglang bumalik ang alaala natin sa ilang nakatatakot na sunog sa sarili nating bansa ilang taon na ang nakararaan.

Tinatayang nasa 160-162 ang nalitson nang buhay sa sunog na tumupok sa Ozone Disco sa Quezon City noong Marso 18, 1996.

Ang natatandaan natin, nagsasaya ang maraming estudyante sa nasabing disco house dahil sa kanilang graduation noon.

Ngunit ang kasayahan nila ay binalot ng takot at kamatayan nang magliyab ang disco house.

34 NALITSON SA TUGUEGARAO

Parang kamakailan lang naman ang pagkalitson nang buhay ng may 29 board examinees sa nursing profession sa Tuguegarao City noong Disyembre 2010.

Nasa kasarapan ng tulog ang mga biktima nang bigla silang magulantang sa sunog na nagmula sa umano’y bodega at nasa mga unang palapag ng hotel.

Walang nagawa ang mga biktima sa pagkagulantang hanggang sa apat lang sa kanila ang nakaligtas.

Naging abo ang katawan ng dapat sana’y mga taong mag-aalaga sa mga maysakit sa atin.

Sa dalawang pangyayari, nawalan ang bansa ng mga kabataang may talino at lakas na sandigan sana ng bayan para sa kinabukasan.

GUILTY SA SUNOG

Guilty sa paglabag sa batas sa gusali ang may hawak at tesorero ng Ozone Disco.

Pinakulong sila ng huwes ng apat na taon saka pinagbayad ng P25 milyon bawat isa, bukod pa sa pagbabayad nila ng danyos na P100,000-P150,000 sa bawat biktima.

Sa kaso sa Tuguegarao, nililitis pa ang kaso.

Walang nakaaalam kung saan patungo ang kaso lalo’t namatay rin yata ang mga may-ari sa sunog, kasama ang isa nilang kasambahay.

PERA VS BUHAY

Sabi ng iba, maganda na rin ang kinalabasan ng Ozone Disco dahil pati ang ilang opisyal ng Quezon City na nagbigay sa Ozone Disco ng mga permit at clearance para makapag-operate ito ay nadisiplina rin.

Maaaring maging paborable rin umano ang desisyon ng korte sa mga biktima ng sunog sa Tuguegarao sa mga darating na panahon.

Pero aanhin mo ang salapi na kapalit ng buhay ng minamahal mo sa buhay?

Walang maganda na kalalabasan ang anomang kaso sa mga pangyayaring ganito.

MGA PAGLABAG

Sa Ozone Disco, isinara ng mga guwardiya ang mga labasan sa akalang may riot.

Wala ring sapat na fire exit ang building at nagkaroon ng pintuan na mapapasukan lang at hindi basta makala-labas ang tao.

Barado ang fire exit ng isang gusali at hindi gumawa ang operator nito ng ibang labasan ng tao para sa oras ng sunog.

Sa Tuguegarao, ang paggawa sa ibabang bahagi ng hotel bilang bodega ng mga madaling masunog na bagay ang isang violation.

Wala ring naging sapat na fire exit ang gusali at tila walang mga instruction kung paano makalabas ang mga nakatira sa oras ng sunog.

Kaya nang magkaroon ng sunog sa mga ito, kamatayan ang sinapit ng mga biktima.

WALANG FIREMEN

Pero may naging kapuna-puna sa mga sunog na nabanggit sa QC at Tuguegarao.

Walang mabilis na responde mula sa mga bumbero.

Lalo na ang mga bumbero ng Bureau of Fire Protection.

Kung gaano kabilis ang mga bumbero na magtinda ng tubig sa mga mayayaman na may swimming pool sa kanilang mga bahay o resort, ganun naman kabagal ang mga ito laban sa sunog.

May mga fire station na puro sira naman ang mga fire truck dahil sa mga anomalya sa piyesa.

Pinepera ng mga bumbero ang pampa-repair ng kanilang mga fire truck na kasing tanda ni Limahong.

Taon-taon ding may pambili ang mga ito ng fire truck ngunit dinaraan ang maraming kontrata rito sa pera-pera.

FIRE VOLUNTEERS

Lumalabas na ang mga fire volunteer na lang ang pupuwedeng asahan para sa mabilis at tunay na pagresponde sa sunog.

Paano na lang kung wala ang mga ito?

‘Di magkakandaletse-letse ang buhay natin sa sunog at puro kalamidad na lamang ang magaganap sa atin.

Panahon na para sa mga pagbabago sa BFP, gayun-din sa iba pang mga opisina ng pamahalaan na namamahala ng mga clearance at permit kaugnay ng fire safety sa mga gusali.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply