Magnanakaw na bebot todas sa sekyu sa Parañaque

crime

PATAY ang isang magnanakaw na babae nang barilin ng isang security guard matapos mamataan na gumagala sa loob ng binabantayang compound ng Bio Research kaninang madaling-araw sa Parañaque City.

Imbes na depensahan ang sarili, nagpasya na lamang tumakas ni Jonathan Lasado, security guard ng Red Eye Security Agency at nakatalaga sa Bio Research na nasa Dr. A. Santos Avenue, BF Homes matapos ipabatid sa kanilang officer-in-charge (OIC) ang ginawa niyang pamamaril sa biktima.

Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Reynaldo Serafica ng Investigation Section ng Parañaque police, nasa main gate ng compound ng Bio Research ang OIC ng mga security guard na si Alfonso Bernardino nang puntahan siya ni Lasado dakong ala-1 ng madaling-araw at sinabing nakabaril siya ng tao malapit sa parke ng naturang compound.

Natataranta pa umano si Lasado habang nagsasalaysay sa nangyaring insidente kaya sinabihan siya ni Bernardino na kumalma at manatili lamang sa lugar habang ipinababatid niya sa kanilang inspector ang pangyayari.

Gayunman, bago pa man makagawa ng report sa pangyayari si Bernardino, tumakas na si Lasado at iniwan ang 12 gauge shotgun at .9mm pistol na kanyang service firearm.

Sa ginawang pagsusuri ng pulisya sa bangkay ng babae, nagtamo ito ng isang tama ng bala sa ibabang bahagi ng kilikili na kaagad niyang ikinamatay.  Nakuha rin sa biktima ang isang cutter plier, swiss knife at isang matulis na metal.

Sinabi ni Bernardino sa pulisya na madalas na may nangyayaring nakawan sa loob ng tinatanuran nilang compound kaya posibleng pagnanakaw ang pakay ng biktima kaya nabaril siya ni Lasado.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply