MAMAMAYAN HUWAG ISUBO SA MAMAMATAY TAO

benny antiporda

MULING nabuksan ang kuwestyon ng pagkakaroon ng baril ng mga sibilyan kaugnay ng mga patayan ng mga pulis sa Atimonan, Quezon kamakailan.

Ganundin ang naganap makaraang magkaroon ng masaker sa Kawit, Cavite.

Ngunit sinimulan ang debate sa usapin nang may mapatay na mga bata sa ligaw na bala mula sa mga baril na pinaputok noong Bagong Taon.

LEHITIMO ANG DEBATE

Tama lamang na muling pag-usapan ang pagkakaroon o hindi ng mga sibilyan ng baril.

Sapagkat naririyan naman talaga ang problema: Ang paggamit ng kahit ligal na baril sa krimen.

May mga tanong nga lang na dapat na masagot na mahalagang-mahalaga sa buhay, kalayaan at ari-arian ng mga sibilyan o mamamayan.

ILAN ANG GAMIT SA KRIMEN?

Umaabot sa kabuuan ang bilang ng baril sa mahigit 1.6 milyon.

Sinasabing may mahigit sa 500,000 ang loose firearms na walang lisensiya o hindi na-renew ang lisen-sya samantalang may 1.1 milyon ang lisensiyado.

Ang 500,000 loose firearms ay posibleng magamit sa krimen.

Ngunit ang lisensiyado? Dito sa lisensiyado, bibihirang gunholder ang may utak- pulbura.
Sigurado ako rito.

Kahit nahahayblad na ang gunholder sa galit sa ibang tao, bibihira ang lu-malagpas sa bakod para maghuramentado gamit ang kanyang baril.

PNP, AFP, CAFGU HINDI SAPAT

Tinatayang nasa 400, 000 pulis, militar at CAFGU lamang na nagbabantay sa seguridad ng mamamayan.

Kung magloko ang may hawak ng 500,000 na loose firearms, kaya bang saklolohan ng mga pulis, militar at CAFGU ang mamamayan?

Tiyak ako, hindi kaya ng mga armadong awtoridad na bigyang proteksyon ang 95 milyong mamamayan.

‘Yun nga lang Kawit massacre, eh, tapos na nang makasaklolo ang mga pulis.

METRO MANILA PUPUWEDE

Sa Metro Manila, masasabing madaling makaresponde ang mga pulis dahil maraming Police Community Precinct na nakakalat sa mga grupo ng mga barangay.

Kahit na inaalat pa rin ang iba sa iba’t ibang kadahilanan, gaya ng grabeng trapik o kawalan ng panggasolina sa kanilang mga patrol car at ang mga sariling sasakyan na lamang ang kanilang ginagamit.

SA LABAS NG METRO PAANO

Pero sa labas ng Metro Manila na ang mga istasyon ng pulis ay nakadikit sa mga munisipyo at mangilan-ngilan ang bilang, kaya bang magresponde sa tamang oras ang mga pulis?

Itong Kawit massacre ang saktong halimbawa ng pagiging imposible na umaksyon sa tamang oras ang mga awtoridad.

Bakit? Halimbawang may 24 hanggang 26 na barangay ang isang munisipyo, paano makatatakbo ang pulis at magresponde.

Eh, ang daming istasyon ng pulis ang walang sasakyan at kung may sasakyan man, sira naman.

Sabi nga ng mga kaibigan nating pulis, kung wala silang owner-type jeep o motorsiklo, paralisado ang mga pulis.

SIBILYAN ANG NANG-AARESTO

Maraming kasong pagdakip sa mga kriminal, taong gobyerno o ordinaryong kriminal, ang gawa ng mamamayan.

Pero sa mga police report, ang mga pulis ang bida.

Nakalilimutan nilang banggitin sa kanilang mga report ang mga mamamayan, maging ang mga barangay tanod, kagawad at tserman na kumukuyog sa mga kriminal. Tina-turnover na lang sa kanila ang mga kriminal.

GUN HOLDER NA SIBILYAN

Sa ibang salita, maraming sibilyan na gunholder ang katu-katulong ng mga pulis, militar at CAFGU sa gawaing peace and order.

Multiplier force ang tawag sa mga sibilyang gun-holder.

Kinakailangan ang multiplier force sa harap ng katotohanang maraming kriminal ang gumagamit ng mga baril sa kanilang mga pamiminsala.

69 PORSIYENTO MULA SA GOV’T

Paano naman ang kalagayan ng mediamen na sa isang international report, 69 porsiyento ng media killings ay kagagawan ng mga taong gobyerno?

Nakatatakot isipin ito, mga Bro. Mantakin mo, ang mga taong pamahalaan na siyang inaasahan na poprotekta sa mamamayan ang siyang pangunahing bumabaril at pumapatay sa mediamen.

At klarong-klaro ang pangyayaring ito sa Ampatuan massacre at iba pang kaso na mga governor, mayor at iba pang mga politiko, pulis at militar ang mga suspek sa pamamaslang.

Paano ang proteksyon ng mediamen laban sa mga berdugo na galing sa pamahalaan na ayaw mabalita ukol sa kanilang mga korapsyon, pandarambong at pang-aabuso sa kapangyarihan?

Hindi natin sinasabing kailangang labanan ang mga taong pamahalaan nang ngipin sa ngipin.

Ngunit sa mga sandali na ikaw ay binabaril na ng taong pamahalaan, paano ka makatatakbo at magpapasaklolo sa mga pulis, militar at CAFGU na kilo-kilometro ang layo, lalo na sa mga lalawigan?

DISIPLINA AT PAGSASANAY

Pinakamagandang panatilihing may baril ang mga sibilyan sa harap ng mga panganib sa kanilang buhay, kalayaan at ari-arian.

Ang gagawin lang ay sanayin sila sa tamang paghawak ng baril, sa pagkakaroon ng tamang disiplina at pagsunod sa mga batas at patakaran sa pagkakaroon ng mga lisensiyadong baril.

Dito nila mapoprotektahan ang kanilang mga sarili mula sa mga salot sa lipunan at makatutulong nang husto sa pamahalaan sa pagtitiyak ng mapayapa at maayos na pamumuhay.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply