May-ari ng bodega ng PCOS machines, kakasuhan ng Comelec

comelec-chair-brillantes

PINAG-AARALAN ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa may-ari ng warehouse sa Cabuyao, Laguna, kung saan nakalagak ang mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines na gagamitin sa midterm elections sa Mayo 13.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., plano nilang ipa-cite for contempt ang Power Serve Inc. (PSI), at sampahan din ng election charges.

Ito’y kasunod na rin nang pagtatangka umano ng isang grupo na pumasok sa bodega ng mga PCOS machines, may isa o dalawang linggo na ang nakalilipas, sa kabila ng writ of possession na inisyu ng hukuman.

Sa ilalim ng naturang writ of possession, binigyan ng awtoridad ng hukuman ang Comelec na pansamantalang i-take over ang warehouse para sa interes ng nakararami.

Sinabi ng Comelec chairman na sa ngayon ay ipinaaayos na nila ang kanilang configuration assembly dahil sa mistulang may ginalaw umano roon ang naturang grupo bagama’t hindi naman nila ito matiyak.

Matatandaang nagkaroon ng iringan sa pagitan ng Comelec at may-ari ng warehouse kung saan nagbanta pa umano ang PSI na paaalisin sila.

Nag-ugat ang iringan sa pagtanggi ng Comelec na pagbigyan ang PSI na gawing tatlong taon ang kontrata sa warehouse, sa halip na hanggang Hunyo lamang.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply