May bingot pagagandahin ni Recom

BILANG bahagi sa paghahanda ng ika-51 taong pagkakatatag ng Caloocan City ay magsasagawa ng libreng operasyon para sa mga may bingot ang lokal na pamahalaan bilang tulong sa mga residenteng hindi kayang gumastos para sa kanilang sirang nguso.

Ayon kay Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri, kailangan lamang magpalista ng mga residenteng may bingot sa tanggapan ng President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC) na matatagpuan sa kahabaan ng A. Mabini Street malapit sa city hall.

Aniya, nagsimula ang pagpapalista ng mga ooperahan noong Enero 14 at matatapos ito sa Pebrero 14 ng kasalukuyang taon na isinasagawa sa OPD Specialty Clinic sa 1st floor, room 201 sa loob ng PDMMMC.

Sinabi pa ng alkalde na magmumula pa sa mga bansang New Zealand, Germany at Australia ang mga dalubhasang doktor na mag-oopera sa mga residenteng may bingot.

Napag-alaman pa na ang libreng operasyon na ito para sa mga may bingot na tinatawag ding “Operation Restore Hope” ay isa lamang sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan sa pagdiriwang ng pagkakatatag ng lungsod.

Simula nang mahalal na alkalde si Echiverri noong 2004 ay taon-taon itong nagbibigay ng libreng operasyon sa mga may bingot upang hindi na mahiya ang mga itong humarap sa kanilang kapwa tao at mabigyan din ng pag-asa ang mga ito.

Hinihikayat din ni Echiverri ang mga residenteng may bingot na agad na magpatala ng kanilang mga pangalan kung saan ay kinakailangan lamang magdala ang mga ito ng patunay na sila ay naninirahan sa Caloocan City.

Bukod sa Operation Restore Hope ay gaganapin din sa Caloocan City ang taunang Binibining Caloocan, Kasalang Bayan, Free Concert at iba pang proyekto na inihanda ng lokal na pamahalaan para sa pagdiriwang sa pagkakatatag ng nasabing lungsod.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply