May bitbit na pekeng gun ban exemptions, makukulong – Comelec

gun-ban

KAKASUHAN at maaari pang makulong ang mga taong mahuhuling may bitbit na pekeng gun ban exemptions.

Ito ang babala ng Commission on Elections (Comelec) sa publiko matapos na makatanggap ng ulat na may mga taong nagbebenta ng pekeng permit sa halagang P1,200.

Ayon kay Comelec Commissioner Elias Yusoph, Chairperson ng Comelec – Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel (CBFSP), maaaring maharap sa kasong falsification of public documents o pamemeke ng dokumento at makulong pa ng mula anim hanggang 12 taon ang mga taong mapapatunayang guilty sa pag-iingat ng pekeng gun ban exemptions.

Sinabi ng poll official na batay sa natanggap ng ulat, ang mga naturang permit ay mayroon umanong pekeng pirma niya.

Gayunman, sinabi ni Yusoph na bukod sa kanyang pirma, ang orihinal na permit ay dapat ring mayroong lagda nina Philippine National Police (PNP), General Miguel Antonio Jr., at Armed Forces of the Philippines (AFP) General Rodelio Santos.

Madali rin aniyang makilala ang orihinal na permit dahil may watermark ito ng Comelec.

Ani Yusoph, ang application fee para sa permit ay nagkakahalaga ng P5,000 habang ang peke ay nagkakahalaga umano ng P1,200.

Kaugnay nito, nanawagan rin si Yusoph sa publiko na sakaling may mag-alok sa kanilang fixer ng permit, naka-uniporme man o pribadong indibidwal, ay huwag paniwalaan ang mga ito at sa halip ay kaagad na i-report sa Comelec.

Pinaalalahanan rin naman ni Yusoph ang mga pulis at militar na nagsasagawa ng check point na maging mapanuri sa mga permit ng mga motorista.

Babala ng Comelec, ang mga taong mahuhulihan ng pekeng permit ay maaaring mabilanggo ng mula anim hanggang 12 taon sakaling mapatunayang guilty ang mga ito.

Ang election gun ban ay sinimulan noong Enero 13 at magtatagal hanggang sa Hunyo 12, o isang buwan matapos ang halalan sa Mayo 13.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply