MEDIAMEN DAPAT NA MAGHANDA VS BERDUGO

benny antiporda

DAPAT na maging maingat ang mga kapatid natin sa media sa kanilang mga coverage sa halalang 2013.

Ngayon pa lang kasi ay may mga pinapatay nang mayor, tserman at iba pang mga nauugnay sa pulitika.

Hindi malayong madamay sa kamay ng mga berdugo ang mediamen.

Kahit pa pairalin ng mediamen ang lahat ng paraan para maging patas ang kanilang mga pagbabalita o paglalabas kaya ng mga komentaryo sa mga isyung bumabalot sa mga politiko.

500,000 LOOSE FIREARMS

Ang isang tatandaan ng mga mediamen ay ang ulat mismo ng pulisya na may mahigit sa 500,000 na loose firearms o hindi lisensiyadong baril.

Tiyak namang gagamitin ang mga ito ng mga mamamatay-tao sa oras ng halalan.

Gagamitin ito upang hindi masundan ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng mga kriminal.

Hindi masusundan ang mga ito, mga Bro, dahil sa kawalan ng rekord ang mga baril at mga may-ari nito sa tanggapan ng pulisya at militar.

LIGAL NA BARIL MAS NAKATATAKOT

Pero hindi imposibleng magamit din ang mga ligal na baril sa mga pagpaslang.

May ligal na baril sa Ampatuan massacre, ganundin ang pagpatay kay Doc Gerry Ortega.

Pinakahuling kaso ng paggamit ng ligal na baril ang naganap sa Atimonan, Quezon massacre ambush-rubout-massacre.

Higit pa ngang nakatatakot ito dahil walang checkpoint sa mga may hawak sa mga ito.

Sila pa nga ang nagtse-checkpoint saka ka nila i-mamasaker o ira-rubout.

Pagkatapos gawan ka ng istorya na ikaw ang unang nagpaputok kahit wala kang baril.

Wala kang baril dahil sa pinaiiral ng Commission on Elections na “gun ban.”

MAINIT NA HALALAN

Mainit ang halalan dahil sa paniniwala ng maraming politiko na hindi uubra ang mga sari-sari nilang pandaraya o gimik para manalo.

Marami sa kanila ang naniniwalang hindi uubra ang vote buying at lalong hindi uubra ang terorismo at agaw-balota nila dahil sa computerization ng halalan.

Ang mga alanganin sa panalo at ang mga gustong manalo sa anomang paraan ang utak-pulbura.

At kung nasa alanganin silang kalagayan o nasa bingit sila ng pagkatalo, ang mediamen ang sinisisi.

UMAALINGASAW ANG BAHO

Umaalingasaw kasi ang balita sa mga politiko sa halalan at tungkulin lang ng mediamen ang magbalita o magkomentaryo.

Sa halip na sumagot sila bilang gentlemen o gentlewomen sa mga balita sa kanila, sa tingga na lang nila inaasa ang lahat.

Pinatutumba o sila mismo ang tumutumba sa mediamen.

Gumagawa sila ng kalokohan sa ilalim ng araw at dilim ngunit isinisisi nila sa iba, sa mediamen ang epekto nito: ang tiyak nilang pagkatalo sa halalan.

PINALALALA NG COMELEC

Ang masama pa, pinalala ng Comelec ang hindi magandang kalagayan ng mediamen.

Paiyakan ang pag-iisyu ng ahensyang ito ng exemption sa gun ban.

Kahit sabihin mo pang nakataya ang iyong buhay dahil sa iyong trabaho, parang gusto pa ng Comelec na may mamatay na mediamen bago ito aaksyon sa mga aplikasyon para sa gun ban exemption.

MACONACON MAYOR

Saka lang nataranta ang Comelec sa kakunatan nitong mag-isyu ng exemption nang paslangin ng mga berdugo si Maconacon, Isabela Mayor Erlinda Domingo.

Anak ng tokwa, sabi ngayon ng Comelec na pabibilisin na nila ang pag-iisyu ng gun exemption sa mga politiko na nag-aaplay nito.

MEDIAMEN BALEWALA

Paano ngayon ang mediamen na nahaharap din sa mga pagpaslang?

Hindi biro-biro, kayo riyan, sa Comelec, ang Ampatuan massacre.

At ang mahigit 100 pang iba na pinatay ring mediamen, kabilang na ang mga nadamay sa maruming pulitika.

Sa kakunatan ng Comelec na pagbigyan ang mediamen para sa gun ban exemption, ayaw man nating maganap, nakababahalang may mapapatay na namang mediaman ngayong halalan.

Diyos ko po.

PANAWAGAN SA COMELEC

Tuloy ang panawagan natin sa Comelec na luwagan nito ang aplikasyon para sa gun ban exemption ng mediamen.

Kung iisipin, wala pang mediaman na nasangkot sa pagpatay sa iba, lalo na ang masaker o rubout kaya.

Pero may nakagamit na ng baril na mediamen upang maipagtanggol nila ang kanilang mga sarili sa mga berdugo.

Tanungin pa ng Comelec ang mga survivor ng mga pagpaslang.

HINDI KAYA NG MGA PULIS

Batay sa karanasan, hindi kaya ng mga pulis na protektahan ang buhay ng mediamen.

Sa katunayan, patay na ang mediaman bago makapagresponde ang mga pulis.

At ang masama pa, walang kakayahan ang halos 99 porsyento ng mediamen na mag-hire ng mga pulis para maging proteksyon nila laban sa mga berdugo.

Umaasa lang sila sa kanilang mga sarili upang manatiling buhay at maipagpatuloy ang kanilang propesyon.

At ang masama, higit na nakararami ang walang armas na mediamen.

Kaya naman sila namamasaker at napapatay.

MANHID NA COMELEC

Dapat nang hindi maging manhid ang Comelec at bigyan ng karapatang mabuhay ang mediamen sa halalang ito.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply