Mga maralita sa QC, magmamartsa laban sa demolisyon

rally-mendiola

TINATAYANG 500 maralita kasapi ng Alyansa Kontra Demolisyon-QC, militanteng grupng Kalipunan ng Damayang Mahihirap at Anakpawis Partylist ang nakatakdang magmartsa ngayong umaga patungong Quezon City Hall laban sa iba’ ibang banta ng pagpapalayas sa mga maralita sa kanilang komunidad.

Pangugunahan ang martsa ng mga palalayasing residente ng Payatas dahil sa Payatas Dumpsite Expansion. Ilang kabahayan na ang nagiba sa mga nakaraang linggo dahil sa nasabing proyekto.

Mula sa Urban Market, Lupang Pangako sa Barangay Payatas B, magmamartsa ang mga maralita patungong Litex at House of Representative bago tumulak sa Commonwealth Ave patungong National Housing Authority at Quezon City Hall. Layon nilang makipagdayalogo sa alkalde ng lungsod na si Herbert Bautista.

Ayon kay Carlito Badion, convenor ng AKD, nagpapatuloy ang demolisyon sa mga komunidad ng maralita sa Lungsod Quezon dahil sa pagtutulak ng lokal na pamahalaan sa target nitong zero-informal settler na Quezon City.

“Umpisa pa lang ang lakbayan ngayong umaga sa malalaking pagkilos na lalahukan ng daan-daan hanggang libu-libong maralitang tutungo sa tarangkahan ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad nito ng lokal na bersyon ng Public-Private Partnership sa Lungsod Quezon,” ani Badion.

Inaasahang lumahok din sa pagkilos ngayong umaga ang mga maralitang apektado ng National Government Center Housing Project, QC-Central Business District sa pangunguna ng residente ng North Triangle, at mga apektado ng waterways-clearing sa nasabing lungsod.

Sa tala ng QC Urban Poor Affair Office, 234,104 pamilyang maralita o informal settler families (ISFs) ang planong irelocate ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon mula sa ibang komunidad. 5,292 sa mga ISFs na naninirahan sa tabihan ng mga waterways at road right-of-ways ang prayoridad na palayasin ng lokal na pamahalaan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply