Minalas sa punsoy

mano-mano

SA GANITONG mga panahon ay nagkalat ang New Year’s Resolution.

Katulad din ng paglipana ng mga pungsoy, mga talisman, mga kung tawagin ay lucky charm o ng mga pampasuwerte.

Sa ganitong mga pagkakataon din nagsasalimbayan ang mga manghuhula, ang mga salamangkero at ang mga sinasabing eksperto sa mga kontra-malas at kontra-demonyo.

Pero mas nauunang kumita ang mga kontra-bulate dahil matapos ang pag-chicha ng iba’t ibang pagkain mula Pasko hanggang sa gabi ng paghihintay ng Bagong Taon, pagkulo ng tiyan ang binabantayan.

Kapag sumasapit ang pagpapalit ng taon, kandarapa rin naman talaga ang mga naniniwala sa ganitong mga ritwal ng pampasuwerte at pagtataboy ng mga “lasma sa gidli” o iyong mga may dalang malas na iyong katabi.

May bumibili ng palakang nakalunok ng barya, may bumibili ng pusang komang, may bumibili ng mga holen na iba’t ibang kulay at may mga bumibili ng mga dragon na naglalaway ng apoy.

Ito iyong mga inilalagay nila sa kung saan-saang sulok o bahagi ng bahay at opisina para makapag-imbita ng buwenas at magpalayas naman ng malas.

Iyong mga panatiko naman ay naglalagay sa kanilang katawan ng mga porselas na kontra usog, mga amulet laban sa mga demonyo sa paligid o kaya naman nagpapatanggal ng nunal, balat, buni at pigsa na nagbibigay ng malas sa kanila sa patapos na taon.

Naalala ko tuloy iyong isang kaibigan ko na dumating sa dati naming bahay sa San Bartolome, Novaliches.

Masyado siyang nag-alala dahil iyong lupang kinatitirikan ng aming bahay ay tumbok na tumbok sa kalsada. Malas daw iyon.

Tinanong ko ang aking kaibigan kung saan ba siya nakatira.

Sa Bago Bantay area sa Quezon City raw, umuupa sila sa isang maliit na apartment doon.

Binalik ko sa kanya ang sinabi niya: Pare, sino kaya ang mas malas sa ating dalawa, ako na may sariling bahay o ikaw na hanggang ngayon ay nangungupahan pa rin?

Matapos ang masarap na kuwentuhan sa harap ng malamig na serbesa, nagpaalam na ang kumpare ko.

Pero bago siya umalis, bumulong muna sa akin: Pare, baka naman may sobra kang pera r’yan, wala pa kaming pang-Media Noche.

Doon talaga ako minalas dahil ang nananahimik kong dalawang libong piso, natangay ng panatiko ng pungsoy.

Huwag masyadong magpaalipin sa mga kasabihan, sa mga pungsoy at sa kung ano-anong maling paniniwala para hindi matulad sa aking kumpare.

Para maging masuwerte, be prayerful, be closer to God, work harder, save for the future and be good to your neighbors.

Happy New Year po sa ating lahat!

allanpunglo@yahoo.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply