MINDANAO SASANAYIN SA ALBAY CLIMATE CHANGE ACADEMY

Hadji-Abdulrashid-Ladayo-Sr

SASANAYIN sa Linggo ng Albay Climate Change Academy ang ikawalong grupo na magmumula sa Region XI o Southern Mindanao upang patuloy na imulat ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan at pribadong sektor sa pag-iwas at maibsan ang panganib na dulot ng mga sakuna at pagbabago ng klima.

Ang pagpupulong na gagawin sa loob ng apat na araw ay pinamagatang “Climate Change Adaptation Training and Disaster Risk Reduction.”

Sinimulan na ito noong ika-12 ng Oktubre ng nakaraang taon at sinanay na ang mga delegado na nagmula sa mga rehiyon ng MIMAROPA, CALABARZON, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao.

Sa Albay Climate Change Academy gagawin ang nasabing pagpupulong na dadaluhan ng mga eksperto na magmumula sa mga kaagapay na ahensya at organisasyon ng ACCA tulad ng Office of Civil Defense, Ateneo School of Government at Albay Public Safety Office.

Ang Region XI o Southern Mindanao na kinabibilangan ng Compostella Valley, Davao Del Norte, Davao Del Sur at Davao Oriental ay hinagupit ng bagyong Pablo noong nakaraang Disyembre kaya nararapat lamang na isailalim sa ganitong pagsasanay ang kanilang mga opisyal.

Ang mga naranasan ng mga delegado kay bagyong Pablo ay magagamit nila bilang repleksyon sa paunang aktibidad ng pagpupulong na tututok sa pag-unawa tungkol sa mga panganib na dala ng mga nakaraang sakuna.

Kasama rin sa pagpupulong ang pagtalakay sa iba’t ibang uri ng sakuna at panganib, pagtukoy sa mga pangunahing senyales ng sakuna at ang kahandaan at kahinaan ng mga mamamayan laban sa mga sakuna.

Dadako ang ikalawang araw ng pagpupulong sa pagtalakay sa iba’t ibang pananaliksik na ginawa ukol sa mga sakuna at pagbabago ng klima.

Ang mga saliksik ay mula sa United Nation’s International Strategy for Disaster Reduction, Hyogo Framework for Action, Global Assessment Report, United Nation’s Framework Convention on Climate Change, Special Report on Managing the Risks of Extreme Events and Disasters to Advance Climate Change Adaptation.

Bukod sa mga pag-aaral ng ISDR, tatalakayin din ang iba’t ibang pag-aaral at alituntunin na ginawa ng Pilipinas tungkol sa mga sakuna at pagbabago ng klima.

Kabilang na rin dito ang mga tamang pamamaraan sa pamamahala at desentralisasyon ng DRR sa kani-kanilang probinsya.

Bibisitahin din sa huling araw ng pagpupulong ang ilang evacuation centers, resettlement areas, flood control areas at hazard areas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply