NAGKA-BABY SI BABY

bantay ocw

KAYOD marino ang single mother na si Sarah, kasalukuyang OFW sa Italya.

May apat siyang anak na inihabilin muna niya sa kanyang bunsong kapatid sa Maynila upang siyang tumingin at mag-alaga sa mga bata.

Mahabang taon na rin ang ginugugol ni Sarah sa kanyang pagtatrabaho sa abroad bilang isang caregiver.

Sapat-sapat ang ipinadadala niya sa kanyang mga anak. Na kadalasan ay lumalabis pa nga.

Nang magkolehiyo na ang panganay niyang anak na si Baby, hiniling nito sa ina na magdo-dormitoryo na lang siya upang lalong makapag-concentrate sa pag-aaral.

Ikinatuwa ni Sarah ang pasya ng anak. Hindi na ito nag-atubili pa at agad pumayag na pagbigyan ang kagustuhan ng anak.

Katuwiran niya para naman sa pag-aaral ito ni Baby. Tumatanda na rin naman siya at hindi sa lahat ng panahon ay mananatiling malakas at may oportunidad na makapagtrabaho sa abroad bilang OFW.

Palibhasa’y panganay, napakalaki ng pag-asa ni Sarah na ito ang unang makatutulong sa  kanya na maitaguyod din ang iba pa niyang mga kapatid. Kapag humingi ng pang-tuition at ilan pang gastusin sa eskwelahan si Baby, agad ipinadadala ito ng ina sa kanyang bank account at palagi pa niyang sinusobrahan.

Todo-todo ang ina sa pagbibigay suporta sa mga anak. Lahat ng hingin sa kanya, ibinibigay niya. Kahit wala na siyang pera, ipinangungutang pa niya ito sa mga kasamahang Pilipina sa Italya, mapagbigyan lamang sila.

May magagarang mobile phones at halos lahat ng pinaka-latest na mga electronic gadget naibigay na niya sa kanyang mga anak.

Palaging katuwiran ni Sarah, hindi baleng gumastos siya ng husto para sa mga anak, dahil sila rin naman ‘anya ang pangunahing dahilan ng kaniyang pag-aabroad.

Gayong hindi naman dapat kasama ang luho sa mga pagkaka-gastusan ng ating OFW, pikit mata pa rin si Sarah na pinagbibigyan ang bawat naisin ng mga ito. Kaya’t walang tigil din siya sa kakapadala ito. Iniisip niya, sa pamamagitan ng mga materyal na bagay na hinihingi ng mga anak, maaaring makabawi naman siya dahil wala ito sa kanilang tabi, na dapat ay personal na nag-aalaga sa kanyang mga anak.

Excited si Sarah dahil sa nalalapit na Marso na ang graduation ni Baby. Ngunit nitong nakaraang linggo tumawag ang bunsong anak niya na umiiyak at nasa hospital ‘anya sila.
Akala niya’y kung anong emergency na ang nangyari sa mga ito. Hanggang sa unti-unti nasabi ng anak kay Sarah ang buong katotohanan. Nasambit nito sa ina: “May baby na po si Ate Baby.”

Nanganak ‘anya ang panganay na kapatid at itinago nila ang lahat ng iyon sa ina dahil pinagbabantaan sila ng kanilang Ate na huwag magsasabi sa kanilang nanay. Na matagal na palang hindi pumapasok sa eskwela si Baby at lahat ng ipinadadala sa kanyang pang tuition, pang dorm, pang allowance atbp, ay ginamit lang niya sa paglalakwatsa, pakikipagbarkada at pakikipag-boyfriend at sa bandang huli nga ay nabuntis ito.

Wala nang magawa ang inang labis na naghinagpis sa nabalitaan. Naisip niyang balewala pala sa kanyang mga anak ang lahat ng kanyang pagsasakripisyo para sa kanila. Ni sarili niyang gamit tulad ng underwear, hindi niya mabili, makapag-padala lang at maibigay ang lahat ng hiling ng kanyang mga anak.

Sambit ni Sarah, napakarami niyang pinagsisisihan sa kanyang pag-aabroad. Nasambit pa niyang sana hindi na lamang siya umalis ng Pilipinas at marahil hindi pa naging labis na makasarili ang mga anak niyang walang ibang inisip kundi ang lahat ng layaw at luho sa katawan. Para sa mga anak niyang pinaglaanan niya ng lahat-lahat, pati na ang kanyang sariling buhay at kaligayahan isinakripisyo pa niya.

Kaya sa ating mga OFW, gising na sa katotohanan bago pa ninyo pagsisihan ang labis na pagpapalayaw sa inyong mga anak. Matutong tumanggi at magsabi ng Hindi.

Hindi puro OO at bigay lang nang bigay sa kanilang mga kapritso. Sa bandang huli, baka matagpuan ninyong nag-iisa na lamang kayo at walang anak na lilingon sa lahat ng mga ginawa ninyong pagsasakripisyo para sa kanila.

oOo

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napakikinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm, audio/video live streaming: www.dziq.am. Helpline: 0927. 649.9870 Mapanonood sa PTV 4 tuwing Biyernes 8:00-9:00pm at GMA News TV International.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply