NAGKALOKO-LOKO NA ANG GOBYERNO

benny antiporda

UMAALINGASAW nang todo ang gobyerno ngayon.

Naririyan, halimbawa, ang mga away ng mga politiko.

Naririyan din ang mga ambush-rubout-massacre sa hanay mismo ng mga pulis.

Naririyan din ang malinaw na kapabayaan sa droga na sanhi ng masaker at iba pang krimen.

Ano ang nagaganap sa ating pamahalaan?

PORK BARREL AT KONGRESO

May away ngayon sa Kongreso at umiikot ito sa multi-milyon o multi-bilyong salaping bayan na ipinamumudmod sa mga mambabatas.

May away dahil may mga hindi nabibigyan, may mas maliit ang tinatanggap at may mas malaki ang biyaya.

Bibihira ang mga nagsasauli, nakararami ang nagsabing ginagastos naman nila ang mga natatanggap nila para sa kanilang mga nasasakupang distrito o nangangailangan kahit saan.

Ngayon naman, ang away ay umaabot sa Commission on Audit at maaaring aabot din sa mga hukuman.

Pork barrel at cash gifts na galing sa salaping bayan ang kanilang mga pinag-aawayan.

DEMANDAHAN AT SUSPENSYON

Mayroon ding mga demandahan sa kung ano-anong dahilan.

Mula mayor hanggang gobernador ang mga idinedemanda.

‘Yung kaso ng iba, umabot na sa Sandiganbayan na kriminal at pagkakulong sa Bilibid ang pinag-uusapan.

Mayroon din sa Palasyo sa mga kasong administratibo na suspensyon o pagsibak sa mga opisyal ang ibubunga nito.

At ngayon nga ay mayroon nang mga pinalalayas sa puwesto.

ATAT NA ATAT NA MAKAPUWESTO

Medyo hinay-hinay nga lang ang ginagawa at walang puwersahan dahil nagpapakiramdaman ang mga magkakalaban.

Maaaring ang mga gumamit ng puwersa ay makikitang atat na atat lang na umupo para magamit nila ang pondo, gamit at materyales ng mga munisipyo at kapitolyo sa nalalapit nang halalang 2013.

At kung maganap ito, baka sumemplang sila sa mata ng mamamayan sa araw ng halalan.

Ayaw na ayaw pa naman ng mamamayan ang mga namumuwersa na wala namang maipagmamalaki sa mamamayan kundi ang mga koneksyon nila sa nakatataas.

Hehehe.

NAKATATAKOT NA AWAY

Pero may mas nakatatakot na away ng mga politiko.

Nagbibilang tayo, mga Bro, ng mga pinapatay nang mga kapitan ng barangay, konsehal at mayor.

Ito ang pinakamatinding away. Pinapatay ang mga kalaban para wala nang magiging kalaban ng mga nagpapapatay.

Kapag walang kalaban ang isang kandidato, isang boto lang ang kailangan at panalo na siya.

Wala nang gagawin ang Comelec officer o judge kundi itaas ang kamay ng nanalo sa proclamation.

Ang “will of the people” sa araw ng halalan ay wala nang kuwenta.

Ang “will of the killer-politician” ang masusunod.

AMBUSH-RUBOUT CON MASSACRE

May nakatatakot ding nagaganap sa hanay ng mga pulis. Kaugnay ito ng patayan na nauugnay sa ambush-rubout na may masaker sa Atimonan, Quezon.

Nakatatakot dahil bago pa naganap ang krimen sa Atimonan, mayroon nang naunang mga pagpatay na kaugnay rito.

At kahit natapos na ang patayan sa Atimonan, may sumunod pang patayan na kaugnay pa rin nito.

Pero ang matindi rito, kapag gumawa ng kasinungalingan ang mga awtoridad, sino ang makapipigil sa kanila?

Halimbawa, unang pinaputok sa Atimonan tragedy ang “gun for hire” na dahilan ng pagpatay.

Anak ng tokwa, ngayon ay lumalabas na ambush, rubout at massacre.

SIKRETONG MGA DAHILAN

Ang masakit, iba pala ang mga dahilan at nalalaman na ito mula sa mga imbestigasyon.

May itinatagong sikretong motibo sa mga pagpaslang.

Bahala na kayo, mga Bro, na makibalita rito sa ating pahayagan at sa iba pang media ukol sa mga higit na malalim na dahilan kaysa “gun for hire” na dahilan ng mga pagpatay.

Araw-araw tayong magbabalita ukol dito hanggang sa maramdaman na lang natin na parang hindi na dapat pagkatiwalaan ang maraming alagad ng batas.

Hindi mo alam kung ikaw na ang susunod na i-operate.

WALANG BALITA SA DROGA

Mayroon din tayong binabantayan na pangyayari.

Ang matinding krimen sanhi ng makalat na droga.

Diyan sa Cavite, dalawang magkasunod na krimen ang naganap kaugnay ng droga.

Ang pagpatay sa UST graduate na si Cyrish Maglalang sa bayan ng Bacoor at ang masaker na ginawa ni Arnold Bae sa bayan ni bayaning Emilio Aguinaldo.

Alam ba ninyo, mga Bro, na wala na tayong balita ukol sa droga na pinagmulan ng mga krimeng ito?

Nang tangkang pagnakawan, reypin at finally, pinatay ng mga kriminal si Cyrish, tumira ng droga muna ang mga killer.

Magdamag namang tumira ng droga si Bae bago nito isinagawa ang masaker sa kanilang lugar.

Bakit walang pagkilos laban sa droga sa Cavite o sa iba pang lugar na may maraming krimen dahil sa droga?

Bakit ang mga pulis ay nag-aambusan, nagra-rub-outan at nagmamasakeran sa mga iligal na kita sa halip na labanan ang droga?

Bakit tila wala rin sa bokabularyo ng mga politiko ang deadly scam sa patayan at droga at tanging ang pagbulsa at pagwaldas ng perang bayan ang kanilang inaatupag?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply