NAKATATAKOT NA CHECKPOINT: AMBUSH NA, RUBOUT PA

benny antiporda

LUMALABAS na ang ilang resulta ng pagsusuri sa madugong pangyayari sa Atimonan, Quezon.

Pero fact finding team ng Philippine National Police ang nagsasalita.

Inaantay pa natin ang resulta ng pagsusuri o imbestigasyon ng National Bureau of Investigation.

Magkakaroon kaya ng pagkakaiba sa resulta ng kanilang imbestigasyon?

Paano kung magkaiba?

Wala kayang makikialam para maplantsa o magkaroon ng hokus-pokus sa resulta?

AMBUSH HINDI ENGKUWENTRO

May anggulo na ambush at hindi engkwentro ang naganap na patayan.

Kung ambush, walang kuwenta ang sinasabing checkpoint.

May checkpoint o wala, may sadyang pagpatay sa mga biktima na 13 katao, kabilang na ang ilang pulis at sundalo.

Engkwentro ang unang ibinida ng mga nakapatay.

Nag-checkpoint daw sila sa mga sasakyan ng mga biktima ngunit hindi huminto sa unang puwesto at sa pangalawang puwesto ng checkpoint, namaril pa ang mga biktima.

Doon na naganap ang ratratan ng magkabilang panig.

TINADTAD NG BALA

Mahigit sa 200 bala ang inubos ng mga nag-checkpoint kaya naman walang natirang buhay sa mga biktima.

May itinakbo na dalawa sa ospital pero dead-on-arrival umano ang mga ito.

Lumalabas naman ang paniniwala na talagang ginawa ito upang walang matirang buhay sa mga biktima.

Kung totoo ito, ano ang interes ng mga nag-checkpoint at ayaw nilang may mabubuhay sa mga biktima?

Sa puntong ito, nakatatakot ang katotohanang “dead man tells no tales.”

Kung ano ang sasabihin ng mga pumatay, ‘yun na ang totoo.

Sapagkat walang sinomang testigo na tatayo upang kontrahin ang pahayag ng mga pumatay.

Walang sinomang magsasalita ukol sa tunay na katotohanan.

GUNS FOR HIRE

At ang buong katotohanan ay walang iba kundi “ang mga napatay ay guns for hire’ na kailangang lipulin sa lansangan na siyang sinasabi ng mga pumatay.

Walang kaso-kaso, walang piskal-piskal, walang huwes-huwes at kung ano-ano pa.

At ang ibang katotohanan ay pawang mga sangkot pa sa droga, iligal na sugal, kidnap for ransom at iba pa ang mga biktima.

Pinalalabas ang mga biktima na hindi lamang masasamang tao kundi mga demonyo pa.

SOCO HINDI PUPUWEDE

May kapuna-puna sa naganap na krimen.

Bakit hindi pinapasok kaagad ang mga kagawad ng Scene of the Crime Operatives o SOCO ng mga nag-checkpoint?

Sa normal kasing pangyayari, kapag dumating na ang mga SOCO, lumalayo na ang mga sangkot sa labanan at hahayaan nila ang SOCO na mag-takeover.

Doon na kikilos ang SOCO na kumuha ng mga ebidensya sa krimen, kung paano naganap ito, ng mga pagkakilanlan sa mga biktima.

Ayon sa lumalabas na report, mukhang inayos muna ng mga nag-checkpoint ang lahat bago pinapasok ang SOCO.

Hmmm. Totoo kaya ito?

ULAT PINABALIK

May naaamoy rin tayo sa pagpapabalik ni PNP chief Alan Purisima sa fact finding team ng kanilang imbestigasyon.

Sabi raw ni Purisima, dapat alamin ng team ang puno’t dulo ng pangyayari.

Totoo kaya ito?

Pero kung totoo, dapat malaman ang mga motibo sa krimen.

At kung mayroon ito, diyan na lalabas ang katotohanan sa patayan.

AMBUSH NA RUBOUT NA

Halimbawang totoo ang bali-balita na may dahilan para pumatay ang mga pumatay sa mga biktima, hindi na lamang ambush ang kalalabasan ng pangyayari, may rubout pa.

Kung may ambush na at may rubout pa, wala ngang ititirang buhay.

At ito ang nakatatakot.

KAPANGYARIHAN GINAGAMIT

Alam ba ninyo ang nakatatakot, mga bro?

Ang paggamit ng kapangyarihan ng pamahalaan para sa walang habas na pagpatay.

Lalo na kung tatakpan pa ito ng buom-buo ng kasinungalingan gaya ng pagsasabing engkwentro ang lahat at ang lahat ay kinakailangang patayin dahil mga masasamang tao at demonyo ang mga ito.

Nakatatakot ding isipin na hindi na gagamit ang mga armadong awtoridad ng mga piskal, huwes at hukuman para lumabas ang katotohanan, mahanap ang katarungan at maparusahan ang mga tunay na kriminal.

Nakatatakot talagang isipin na sa bunganga na ng baril daraanin ang lahat.

MARAMING CHECKPOINT

Dahil sa halalang 2013, kabi-kabilaan na ang mga checkpoint.

Araw-gabi, 24 oras sa loob ng buong linggo, may mga checkpoint.

At magtatagal ang pagkakaroon ng mga checkpoint kahit pagkatapos ng halalan sa Mayo.

Ang tanong ngayon: wala na kayang magaganap na engkwentro, ambush at rubout gaya ng naganap sa Atimonan, Quezon?

Sana naman, wala na.

KONTROLIN SILA LAHAT

Magkakaroon lamang tayo ng magandang balita sa mga checkpoint, mga Bro, kung magiging istrikto ang mga awtoridad sa pag-train sa checkpoint boys.

Hindi dapat na isali rito ang mga utak-pulbura, ang mga may pansariling interes at kung sino-sino pang may masasamang balakin at mala-demonyo ang asal.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply