Oras ng botohan mas mahaba na – Comelec

comelec

INIANUNSYO ng Commission on Elections (Comelec) ang pagkakaroon ng mas mahabang oras ng botohan sa May 13 midterm elections.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., mula sa dating 10-oras ay gagawing 12-oras ang halalan sa Mayo o mula 7:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi.

Ipinaliwanag ni Brillantes na ang desisyon ay dahil na rin sa kakapusan ng precinct count optical scan (PCOS) machines.

Sa kabila naman nito, nilinaw ni Brillantes na posibleng mabago pa ang nasabing oras depende sa magiging sitwasyon.

Matatandaang noong 2010 national elections ay hanggang 3:00 ng hapon lamang ang itinakdang oras ng botohan.

Gayunman, pinalawig rin ito ng Comelec ng hanggang 5:00 ng hapon dahil sa dami ng nakapila sa mga polling center na hindi pa nakakaboto.

Samantala, bukas, Linggo (Enero 13) ay isang Unity Walk rin ang isasagawa ng Comelec, kasama ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at iba pang election stakeholders bilang marka ng pagsisimula ng campaign period.

Simula mamayang gabi ay maglalagay na rin ang pulisya ng mga checkpoint bilang bahagi ng pagpapatupad ng election gun ban.

Ayon naman kay Comelec spokesman James Jimenez, dapat nang asahan ang maraming checkpoints dahil sa gun ban, particular na sa mga lugar na deklarado bilang “hot spots”.

Gayunman, aniya, walang dapat ipangamba ang publiko sa ipinatutupad na nationwide election gun ban dahil layunin lamang aniya nito na mabawasan ang laganap na karahasan tuwing sasapit ang eleksiyon.

Kasama na rin dito ang pagpapaigting sa seguridad sa pagsisimula ng election period na magtatagal hanggang Hunyo 12.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply