P1-M laptop, camera, lens naiwan ng Canadian sa taxi, isinauli ng driver

PINATUNAYAN ng isang taxi driver na siya ay matapat makaraang isauli nito ang isang bag na naglalaman ng mga mamahaling gamit na aabot ang halaga sa P 1 milyon na naiwan ng isang Canadian national na kanyang naging pasahero.

Kinilala ang honest taxi driver na si Marlow Agustin, may dalawang anak at residente ng Commonwealth, Quezon City.

Napag-alaman na nakapila si Agustin sa isang hotel sa Mabini, Ermita, Manila nang sumakay si Jeremy Bright, taga-Vancouver, Canada upang magpahatid sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dakong alas-8:00 ng umaga kamakalawa.

Tinulungan pa umano ni Agustin na magbaba ng gamit ang dayuhan subalit hindi niya napuna na may naiwan pa sa likurang bahagi ng kanyang taxi.

Nakilala si Bright sa pamamagitan ng identification (ID) card na nakakabit sa bag nito na naglalaman ng DSLR camera, isang laptop, mga lente ng camera at iba pang aksesorya ng camera at computer.

Ayon sa drayber, awa ang nanaig sa kanya kaya bumalik siya sa NAIA at nang makitang hindi na niya ito maaabutan ay nagtuloy siya sa isang istasyon ng radyo upang doon ipagkatiwala ang narekober na gamit.

Natuwa naman ang dayuhan nang tawagan ng istasyon ng radyo sa Canada upang kumpirmahin sa kanya ang pagkakasauli ng kanyang gamit.

Bilang pasasalamat ay bibigyan ng Canadian ang drayber ng halagang P10,000.

Nabatid na isang professional na photographer si Bright na kumukuha ng mga magagandang tanawin sa bansa upang ilagay sa isang website ng mga tourism spot sa buong mundo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply