P8.5M WHISTLE SCAM

Allan Encarnacion mano_mano web copy

KUNG hindi nararamdaman ng liderato ng PNP na sila ang nasa chopping block sa pinag-dedebatihang gun control, aba’y kailangan n’yo nang tigilan ang paglagok ng anestisya.

Ang pagdami ng mga karahasan gamit ang baril ay indikasyon ng kahinaan ng ating pulisya na masamsam ang mga loose firearm at masakote ang mga malilikot ang kamay sa gatilyo.

Ang problema kasi natin, parang insidente lang ng rambulan ng firecrackers sa Karingal ang sistema ng mga pulis sa mga nakukumpiska nilang armas.

Kinakamkam nila ang mga kumpiskadong baril na kalaunan ay ipinagbibili rin nila sa mga suki nilang baliw.

***

Ang pila-baldeng panggagahasa at pagpatay ng mga manyak sa estudyante sa India ay dapat magbukas ng bagong kaisipan sa ating gobyerno.

Maraming ganitong insidente sa ating bansa pero sa madalas na pagkakataon ay binabalewala ng PNP, lalo na kung hindi nagiging laman ng mga headline ang pangyayari.

Katulad ng pagkamatay sa tama ng ligaw na bala ni Stephanie Nicole.

Ilang daan na ang nabiktima ng ligaw na bala sa tuwing Bagong Taon pero ngayon lang naging grabe ang atensiyon ng PNP at Palasyo sa ganitong insidente.

Ganoon din sana ang ibigay nilang atensiyon sa mga kababaihan nating nabibiktima ng pangwawalanghiya ng mga kalalakihan.

***

Malaki ang kinita ng mag-siyota mula sa ahensiyang nangangasiwa sa mga humanitarian mission.

Bumili sila ng limang daang libong pito o whistle para raw sa mga rescue mission at ipakalat sa mga estudyante pero hindi na makita kung nasaan ang mga ito.

At ito ang mas matindi, tatlong piso lamang ang tunay na presyo ng pito pero pinabayaran nila sa ahensiya ng P17.00. Umabot sa P8.5 million ang halaga ng pito kaya malaki-laking partehan ang nangyari sa pagitan ni hepe at ng kanyang kabit.

Aktibo si Kabit ngayon sa pangangalap na naman ng donasyon dahil kailangan daw sa mga tinamaan ng bagyong Pablo.

Baka naman ipambibili mo lang ng bag na Hermes ‘yan, Madame G?

allanpunglo@yahoo.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply