Pagbabayad sa lilipatang MRB, ilinaw sa mga maralita – Kadamay

HINIKAYAT ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang mga ahensyang nagtitiyak sa relokasyon ng aabot sa 20,000 maralitang pamilyang nakatira sa tabing-estero sa Metro Manila na ilinaw sa mga residente ang sistema ng pagbabayad sa lilipatang mga medium-rise building (MRB).

Noong nakaraang linggo ay nagpahayag si Interior Secretary Roxas na gagawin ng National Housing Authority na one-is-to-one correspondence ang relokasyon para sa mga apektadong pamilya.

Ayon sa Kadamay, sa ganitong ratio, kahit ang mga walang trabaho ay obligadong ilipat ng gubyerno sa mga MRB.

“Paano sila makakapagbayad kung wala silang trabaho?” tanong ni Carlito Badion, national-secretary ng Kadamay.

Ayon sa Kadamay, kalakhan sa mga 20,000 pamilyang nakatakdang i-relocate ng gubyerno ay walang mga regular na trabaho at nabubuhay sa halagang P45 kada araw na napupunta lang sa pagkain ng kanilang pamilya.

Dagdag pa ng grupo, “Kalakhan sa mga maralita ay walang kapasidad na magbayad ng renta sa bahay kaya’t pinipili nilang tumira sa ilalim ng mga tulay at tabing estero. Tiyak na palalayasin din ang mga maralita sa mga MRB kung hindi sila makakapagbayad ng buwanang renta, at magsisibalikan muli sila sa dati nilang komunidad.”

“Huwag na sanang pagkakitaang pa ang mga maralita sa mga negosyong pabahay ng gubyerno tulad ng iba pang proyektong MRB ng National Housing Authority. Liban sa libre o di kaya’y batay sa kakayahan ng mga maralitang magbayad, dapat kabilang ang mga livelihood programs sa relocation package hangga’t nanatiling walang kapasidad ang gubyerno na lumikha ng mga regular na trabaho para sa maralitang kapos sa kwalipikasyon,” ani Badion.

Dito dapat ilaan ng gubyernong Aquino ang ipinangako nitong P10 bilyong kada taon para sa relokasyon ng mga maralitang nakatira sa danger zone, ayon sa lider.

Nagpahayag din ang Kadamay na duda itong malapit sa mga kasalukuyang komunidad ng mga maralita ililipat ang mga residente sapagkat tanging sa mga negosyante lamang inilalaan ng gubyerno ang mga bakanteng lote sa Metro Manila upang pagkakitaan ito ng husto ng gubyerno.

Liban sa 20,000 pamilyang nakatakdang i-relocate bago ang Hunyo, meron pang mahigit 85,000 pamilyang nakatira sa danger zone sa Metro Manila na nalalagay sa peligro tuwing darating ang tag-ulan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply