Pagbasura sa kaso ni Tulfo vs Claudine et al lutong-makaw

LUTONG-MAKAW ang pagbasura ng Pasay City Prosecutor’s Office sa kasong isinampa ng beteranong kolumnista na si Ramon “Mon” Tulfo laban sa mag-asawang Raymart Santiago, Claudine Barretto at negosyanteng si Eduardo Atilano.

Ito ang sigaw kanina ng kampo ni Tulfo makaraang idismis ng piskalya ang kasong attempted homicide at grave coercion na isinampa niya laban kina Claudine dahil sa umano’y kawalan ng sapat na ebidensiya.

Gayunman, isinampa ng piskalya ang kasong slight physical injuries laban sa mag-asawang Santiago at kay Atilano.

Ayon sa kampo ni Tulfo, iaapela nila ang naturang desisyon at patutunayan niya na lutong-makaw ito lalo pa’t may nakakita sa mag-asawang Claudine at Raymart habang palabas sa opisina ng piskal na may hawak sa naturang kaso.

Nag-ugat ang kaso sa nangyaring gulo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Mayo 6, 2012, kung saan pinagtulungang bugbugin ng grupo ni Santiago at Atilano ang beteranong mamamahayag.

Matatandaan na pilit na inaagaw ng grupo ni Santiago ang cellphone ni Tulfo na ginamit niya sa pagkuha ng mga larawan kung saan ipinakikita si Claudine na pinagagalitan ang dalawang babaeng empleyado ng Cebu Pacific dahil umano sa nawawala nilang bagahe.

Galing si Tulfo sa Davao City at galing naman sa Aklan sina Santiago nang maaktuhan ni Tulfo ang paghamak na ginagawa ni Claudine sa mga empleyado.

Bilang mamamahayag, agad kinuha ni Tulfo ang kanyang cellphone at kumuha ng mga larawan ng insidente subalit galit na sinita siya nina Santiago at Atilano.

Nang tumanggi si Tulfo na ibigay ang kanyang cellphone, pinagtulungan siyang bugbugin nina Santiago, Atilano at Barretto.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply