Paghupa ng korapsyon sa bansa ayon kay PNoy, nakakatawa – Kadamay

NAKAKATAWA ang tinuran ni Pangulong Benigno Aquino na malaki na ang nagiging resulta ng kampanya ng kanyang gubyerno laban sa korapsyon.

Ito ang pahayag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa naging talumpati ng Pangulo sa isang World Economic Forum sa Davos, Switzerland kahapon.

Ipinagmalaki rin ni Aquino sa nasabing pagtitipon ang mga naging hakbang ang administrasyon kaugnay sa iligal na pag-import ng tone-toneladang bigas sa ilalim ng nakaraang administrasyong Arroyo, at ang naging pagpapatalsik kay Chief Justice Renato Corona.

Ngunit ayon sa Kadamay, hindi kayang itago ng talumpati ni PNoy ang lumalalang korapsyon sa bansa na pinangungunahan pa umano ng pinakamatataas na pulitiko ng bansa kabilang na ang mga senador na ngayon ay nagbabangayan dahil sa Christmas Bonus na nagmula sa pondo ng taumbayan.

Inaasahan din umanong lalala pa ang kalagayan ng korapsyon sa bansa sa pagpasok ng panahon ng kampanyang elektoral sa susunod na buwan.

Kinondena rin ng Kadamay ang layunin ng ginagawang pagpapabango ni PNoy upang maakit ang mga dayuhang negosyante na mag-invest sa bansa.

“Kahit halos ikamatay na ng mga maralitang mamamayan ang pagpasok ng mga dayuhang negosyante sa bansa gaya ng pagsasapribado ng mga batayang serbisyo tulad ng pampublikong ospital, transportasyon, at iba pang pasilidad, patuloy pa ang pang-aakit ng administrasyon sa mga dayuhang negosyante na mamuhunan sa bansa para sa mga kick-back na kikitain ng mga kaanak at kapanalig ng Pangulo,” ani Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng Kadamay.

“Ang Section 7B sa House version ng panukalang batas na FOI bill na nagbibigay ng pribilehiyo sa Pangulo na isekreto sa publiko ang mga minutes ng mga cabinet meeting at iba pang transaksyon nito ay naglalayong maitago ang korapsyong na nagaganap sa bakuran mismo ng Malakanyang,” pagwawakas ni Arellano.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply