Paglaki ng populasyon dapat ikatuwa – obispo

bishop-bastes

HINDI dapat na ikabahala ng pamahalaan at ng mga Filipino ang paglaki ng populasyon ng bansa kundi dapat pa nga itong ikatuwa.

Ito ang iginiit ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, bilang reaksiyon sa ulat ng Population Commission (POPCOM) na maaaring umabot sa 97.9 milyon ang populasyon ng Pilipinas ngayong taong 2013.

Ayon kay Bastes, dapat nating ikagalak ito dahil alam naman ng lahat na ang labor force o lakas paggawa ng bansa gaya ng mga overseas Filipino worker (OFW) ang bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sinabi ng obispo na kailanman ay hindi maituturing na pabigat ang malaking populasyon dahil ito ang asset at lakas ng isang bansa.

Ang dapat pa nga aniyang gawin ng pamahalaan ay alagaan ang populasyon, suportahan at pagyamanin ang kakayahan at talento ng bawat indibidwal.

Samantala, nangangamba si Bastes na sa mga darating na panahon ay bigla na lamang liliit ang populasyon ng Pilipinas dahil sa Reproductive Health law.

Iginiit pa ni Bastes na ang dapat na ikalungkot ng mga mamamayan ay ang korapsiyon, pang-aapi at kawalan ng hustisya sa bansa.

“What we have to be unhappy about is corruption, the pang- aapi, injustices, etc.. Kailanman ay hindi pabigat ang malaking populasyon sa isang bansa. Asset siya, asset. Tanging gawin lang natin ay suportahan, gawing productive ang bawat Filipino at suportahan ang talino at kakayahan ng bawat indibidwal,” aniya pa.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply