PAGLILINIS SA BOC TULOY-TULOY

pakurot

HINDI ko personal na kilala si Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon pero parang napakataas na kaagad ng paggalang ko sa kanya dahil sa tuloy-tuloy na paglilinis niya sa ahensiyang kanyang pinaglilingkuran upang maisakatuparan ang nais tahakin ni Pangulong Benigno Aquino III na landas — ang “tuwid na daan.”

Bagaman batid ni Biazon na maraming tao ang magagalit sa kanya, mas ninais pa rin niyang bigyang katarungan ang mga magsasaka na walang habas na pinerwisyo ng mga opisyal ng mga kooperatiba na nakipagsabwatan sa smugglers para makapagpuslit sa bansa ng imported rice.

Sinampahan ng kaso sa Department of Justice ng BoC ang may 31 opisyal ng kooperatiba na naging salot ating mga kababayang magsasaka at maging sa ekonomiya ng bansa.

Nagkamal sila ng maraming salapi sa pang-aabuso ng kanilang rice importation allocation privileges at ginamit ito sa iligal na paraan sa pamamagitan nang pagpapalusot ng tone-toneladang bigas mula sa ibang bansa.

Ngunit malas lang nila dahil alerto ang bida ng Aduana sapagkat nabuking ang raket ng mga opisyal ng apat na kooperatiba lalo na ang tangkang pagpupuslit nang milyong halaga ng bigas mula Vietnam sa Port of Legaspi City sa Bicol.

Totoong suportado ng pamahalaan ang layunin ng mga kooperatiba na matulungan ang mga magsasaka subalit hindi ang gamitin ang mismong samahan sa kabalbalan.

Kaya naman upang mabigyang-leksyon ang mga gumawa ng kalokohan, kaso ang kinahaharap ng mga ito.

Ipatutupad laban sa mga ito ang Custom’s rule and law.

Dahil sa tuloy-tuloy na kampanya upang linisin ang Aduana mula sa mga tiwaling opisyal, empleyado at mangangalakal, umabot na sa 122 kaso ang naisampa ng BoC laban sa smugglers at mga katulad nito simula nang maitalaga ni Pang. Noynoy si Biazon bilang Customs chief.

Kaya naman, dapat lang na hangaan at bigyang papuri si Biazon at mga tauhan niya na hindi nasisilaw sa kinang ng salapi at sa halip ay nagseserbisyo sa bayan.

Nagkukumahog na naman ang mga negosyante sa pagre-renew ng kanilang business permit ngayong Enero.

Sa Quezon City, hanggang a-20 lang ang ibinigay na palugit upang makabayad ang mga may-ari ng mga establisimyento.

Tiyak na abala na naman ang hepe ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) na si Gary Domingo at ang technical assistant niyang si Julius Avenido dahil sa rami ng lumalapit at lalapit sa kanila upang humingi ng pabor.

Kilala naman natin ang dalawang ito na hindi tumitigil hanggang hindi nakatutulong sa kapwa, hanggang hindi satisfied ang kanilang tinutulungan.

Walang puwang ang pagsimangot dahil sa bawat natulungan at napagsilbihan nila ay malaking kasiyahan na sa kanilang puso.

Sana’y hindi magbago ang dalawang ito sa pagtulong at pagsisilbi sa mga negosyante ng QC.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply