Pagpapatalsik sa DAR Sec, pakana ng Akbayan – Kasama-TK

virgilio-delos-reyes

PAKANA umano ng grupong Akbayan ang pagtutulak ng mga empleyado sa ilalim ng DAR Employees Association para sa pagbibitiw sa posisyon ni Secretary Virgilio Delos Reyes, ayon sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK).

Habang may mga grupo ng mga magsasakang nananawagan na ipagpatuloy ang Comprehensive Agrarian Reform Program ng Department of Agrarian Reform (DAR), ang mga empleyado naman sa ilalaim ng DAREA ay nagtutulak para sa pagbibitiw sa posisyon ni Reyes.

Ayon sa samahan ng mga magbubukid, “maniobra lamang ng grupong Akbayan ang mga ito para maipwesto ang manok nilang si Kaka Bag-ao sa DAR.”

“Noon pa gusto ng Akbayan na mahawakan ang DAR para masiguradong sila ang magmamando ng P150 bilyong pondong inilalaan sa CARP Extension with Reforms,” ayon kay Orly Marcellana, tagapagsalita ngKasama-TK.

Dagdag ni Marcellana, “Ito rin ang magpapaliwanag kung bakit patuloy na nililinlang ng mga pseudo-farmer’s organization tulad ng Task Force Mapalad, Pakisama at Unorka ang mga magsasakang miyembro nila na huwag tapusin ang CARPER pagdating ng 2014.”

Nakatakdang humarap si Sec Delos Reyes sa grupo ni Marcellana ngayong araw sa isang dayalogo para pag-usapan ang mga kasong agraryo sa Southern Tagalog.

Ayon sa Kasama-TK, wala silang planong makisawsaw sa kabulastugang nilikha ng Akbayan at mga lider nito, sa halip ay ihaharap nila kay Sec Delos Reyes ang mga kaso sa lupa sa kanilang rehiyon bilang testimonya para matauhan ang kalihim sa kapalpakan ng programa ng Kagawaran.

“Oo nga at positibo na haharapin kami ni Delos Reyes pero kailangan n’yang matandaan na 2010 pa lamang ay gusto na namin siyang makadayalogo. Hindi magiging katanggap-tanggap sa amin ang palasak na sagot ng DAR na pag-aaralan nila ang mga kaso at titingnan kung ano ang magagawa nila,” pagdidiin ni Marcellana.

Ang dayalogo ay itinaon sa bisperas ng paggunita sa ika-26 na taong paggunita ng mga magsasaka sa Mendiola Masaker kung saan 13-magsasaka ang namatay matapos paulanan ng bala ang rali nila sa paanan ng Mendiola noong Enero 22, 1987.

Magpipiket rin sa harap ng DAR ang mga magsasaka mula ngayon hanggan bukas.

“Itong problema na rin sa lupa ang dahilan kung bakit kami namatayan ng mga kasamahan. Padalawampu’t anim na taon na ngayon pero walang nagbago sa kalagayan namin,” ayon kay Miriam Aledia, survivor ng Mendiola Masaker na 17-taong gulang lamang noon.

“Hindi tutoong nilutas ng CARP ang problema naming mga magsasaka. Pinasahol pa nga nito. Lalong tumindi ang kamkaman ng lupa at pagpapalayas sa amin sa mga sakahan,” dagdag ni Aledia.

Matatandaang ang Republic Act 6657 o mas kilala bilang CARP na isinabatas noong Hunyo 10, 1988 ang naging tugon ng dating pangulong Corazon Aquino sa panawagan ng magsasaka para sa reporma sa lupa.

“Ang ibig naming marinig mamaya kay Sec Delos Reyes ay kategorikal na sagot. Dapat siyang matauhan na nagpapatupad siya ng palpak at pekeng reporma sa lupa sa pamamagitan ng CARP. Ang ikakatuwa lamang namin ay kung sasabihin niyang dapat na ngang palitan ng isang tunay at maka-magsasakang reporma sa lupa ang CARP,” banggit pa ni Aledia.

Isinusulong ng Kasama-TK ang pagsasabatas ng House Bill 374 o Genuine Agrarian Reform Bill na ipinanukala ng Anakpawis Partylist sa Kongreso bilang kapalit ng CARP.

“CARP ang dapat palitan. Kahit sino pa ang kalihim ng DAR kung nagpapatupad naman siya ng reporma sa lupang nagsisilbi sa interes ng mga landlord ay hindi siya magtatagumpay kailanman,” ayon sa grupo.

Magpipiket ang may 500-magsasakang mula Southern Tagalog hanggang bukas ng umaga sa harapan ng DAR bago tumungong Mendiola sa tanghali.

Nakatakda rin silang pumunta bukas sa harapan ng bahay ni Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino para kalampagin ang tarangkahan nito na siya ngayon ang diumano’y umaaastang pinakamalaking landlord sa bansa at nangunguna sa land grabbing at pagharang sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply