Paslit patay sa meningococcemia

life-line-dead

PINAWI ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng publiko hinggil sa pagkalat ng sakit na meningococcemia matapos mamatay ang isang  apat na tong gulang na batang lalaki dahil sa naturang sakit sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City, kagabi.

Ayon kay Health Assistant Secretary Eric Tayag, ang naturang sakit ay hindi madaling naipapasa o kumakalat dahil hindi naman ito airborne disease at maaari lamang makuha kung mayroong intimate o direct contact sa biktima tulad ng direktang pagbahing o pag-ubo ng isang may meningococcemia sa mukha ng isang tao.

“Unang-una po ang meningococcemia ay hindi po madaling makahawa. Kailangan nating ipaliwanag ito baka mamaya e magkaroon ng panic.”

“Meningococcemia is not highly contagious. It can spread via direct contact of nose and mouth secretions from another sick person,” ayon sa tweet ni Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center.

Paliwanag pa ni Tayag, ang meningococcemia ay dulot ng bacteria na matatagpuan sa ilong, bibig at lalamunan at may mga sintomas na mataas na lagnat, pagkakaroon ng rashes na parang pasa, pananakit ng ulo, stiff neck at seizure.

Ito aniya ay isang blood-borne disease na ang kalimitang nahahawahan ay mga bata at 10% ng mga ito ay maaaring mamatay kahit pa nasa ilalim ng pangangalaga ng pagamutan.

“#meningococcemia is a blood-borne disease affecting mostly children. About 10% of those who get ill die even with hospital care,” babala pa ni Tayag.

Kasabay nito, sinabi rin ni Tayag na ang isang pasyenteng may meningococcemia ay may posibilidad na mahawahan ang kaniyang mga kasama sa bahay kung magkakaroon ng close contact.

Pinayuhan naman ni Tayag ang publiko na sakaling magkaroon ng close contact sa pasyenteng may meningococcemia ay kaagad na uminom ng prophylactic antibiotics.

Nauna rito, batay sa ulat, ang batang lalaki na hindi na pinangalanan ay isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Hospital sa Marikina City dakong 3:00 ng hapon ng Lunes ngunit nasawi rin dakong 9:46 ng gabi.

Ayon kay Dra. Paraluman Mendoza-Manuel, senior pediatrician ng ospital, apat na araw nang nilalagnat ang bata ngunit hindi agad ito dinala sa pagamutan ng kanyang mga magulang.

Nakumpirma naman aniya sa mga laboratory tests ng pasyente na positibo ito sa meningococcemia.

Isinara naman ang emergency room ng ospital sa loob ng halos anim na oras at binigyan ng antibiotics ang mga taong nagkaroon ng direct contact sa bata kabilang ang mga doktor, nurse at mga kaanak nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply