PASUGALAN NAKALATAG SA DARAANAN NI ITIM NA NAZARENO

lily's-files-lily-reyes

TAON-TAON tuwing sasapit ang Enero 9 ay ipinagdiriwang ang Pista ng Itim na Nazareno sa Lungsod ng Maynila at ito ay dinarayo ng libo-libong deboto at dahil sa dami ng tao ay sinasamantala naman ang nasabing okasyon ng  mga masasamang elemento.

Abalang-abala  ang mga kagawad ng Philippine National Police sa pagmomonitor sa seguridad ng mga deboto pero abala naman ang mga kriminal sa kanilang modus operandi tulad ng pandurukot, snatching, salisi at ang sugal na color game sa bangketa.

Nakapagtatakang pinayagan nitong si Barbosa PCP Commander,  P/Insp. Armando Macaraeg, na maglagay ng pasugalan sa mismong bangketa gayong alam niya na daraan diyan sa Bilibid Viejo ang prusisyon bukas.  Sa halip, pinatakpan lang nito ng kurtina na kulay asul ang mga nakalatag na pasugalan sa kalye. Mga alas-7:00 pa lang ng umaga ay bukas na at napakaraming  nagsusugal o tumataya rito kaya lalong nagsisikip ang daloy ng trapiko ngunit inutil dito ang mga tauhan ni  Macaraeg para mapahinto ang sugalan.

Hindi na nahiya itong si Macaraeg para payagang maglatag ng pasugalan ilang metro lang ang layo sa Barbosa PCP na katapat  lang ang simbahan ng Quiapo. Hindi ako nagtataka kung bakit maraming kriminal ang naglulungga riyan sa paligid ng Barbosa.

Sabagay sa lugar na yan din talamak ang mga pirated na VCDs at DVDs.

Inaasahang magiging mabigat ang daloy ng trapiko sa lugar kaya nagpalabas ng  traffic re-routing scheme ang MTPB ng Manila City Hall.

Magsisimula ang prusisyon bandang alas-7:00 ng umaga sa Quirino Grandstand sa Luneta at asahan na ang  napakaraming deboto na  sasama sa prusisyon lalo na ang mga politikong gustong umepal. Kakanan ang prusisyon sa may Katigbak Drive hanggang sa may P. Burgos  at kakaliwa ito ng Taft Avenue (P. Burgos) hanggang sa  makarating ng McArthur Bridge at kakaliwa ito ng Palanca hanggang makarating sa ilalim ng Quezon Bridge. Tapos, kakaliwa ng  Quezon Blvd. kanan ng Arlegui tapos, kanan uli ng Fraternal, kakanan uli ng Vergarra, kaliwa ng  Duque  de Alba, kaliwa ng Castillejos, muling kakaliwa sa may Farnecio kakanan patungong Arlegui, kaliwa patungong Nepumuceno, kaliwa ng Aguila, kanan ng Carcer, kanan ng Hidalgo at kakaliwa ng Barbosa.

Mula sa Barbosa, lilikong pakanan ang prusisyon patungo ng Globo de Oro hanggang sa makarating uli sa ilalim ng Quezon Bridge at liliko naman pakanan sa Palanca at pagdating ng Villalobos St. ay muling liliko pakanan hanggang sa makarating sa Plaza Miranda papasok na sa Simbahan ng Quiapo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply