PaUNAng salbo para sa eleksyon ngayong Mayo

pulso-dens legaspi

RAMDAM na marahil ng karamihan ang hudyat ng simula ng panahon ng halalan dito sa ating bayan. Kamakailan, ipinalabas na ang TV commercial ad ng United Nationalist Alliance (UNA) sa pangunahing prime-time na programa ng mga nangungunang himpilan sa telebisyon.

Bagamat hindi tahasang hinikayat ng 60-segundong komersiyal na iboto ang kanilang mga kandidato, tila nagawa nitong maipakilala at mapagpaliwanang ng buod ng kanilang plataporma at adbokasiya ang siyam na tatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng kanilang partido.

Kapansin-pansing hindi kasama sa naturang ad ang mga kandidatong sina Sen. Chiz Escudero, Sen. Loren Legarda at  dating MTRCB Chair Grace Poe-Llamanzares. Ang tatlong ito ay matatandaang parehong bitbit ng Liberal Party ni Pangulong Aquino at ng UNA ng oposisyon.

——

Isang araw matapos ang pagpapalabas ng komersiyal, hindi na rin nagpaawat ang partido ni Vice President Binay nang magsagawa ito ng kanilang kauna-unahang organisadong “sortie” sa lalawigan ng Batangas, isa sa lugar na may pinakamaraming rehistradong botante (1,363,932) sa rehiyon noong eleksyon ng taong 2010.

Hindi tuloy naiwasang tuligsain ng ilang sektor ang tila maagang pangangampanya ng grupo. Anila, tahasang paglabag daw sa batas ang ginagawa ng mga pulitikong nangangampanya na, hindi pa man nagsisimula ang opisyal na panahon na itinadhana ng Commission on Elections (Comelec).

Depensa naman ni UNA secretary general at Navotas Rep. Toby Tiangco, wala silang nilalabag na kahit na anung batas o direktiba sapagkat hindi pa naman maituturing na opisyal na kandidato ang mga ito  hangga’t hindi nagsisimula ang “official campaign period.”

—–

Hanggang sa ngayon, tila tikom pa rin ang bibig ng mga tagapangasiwa ng Comelec hinggil sa isyu. Kung kaya’t sa palagay ng inyong lingkod, tayong taong-bayan na lamang ang magsisilbing tagapag-husga at taga-sentensya.

Kung kaya’t ngayong darating na Mayo, nawa’y kilatisin natin mabuti ang mga inaasal at kinikilos ng ating mga kandidato, maging ng kanilang partido, upang makasiguro tayong tanging mga karapat-dapat lamang ang mailuluklok sa Senado.

Bukas po ang inyong lingkod sa anumang hinaing, reklamo o komento. Maaaring mag-email lamang sa pulsonyo@gmail.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply