Photographer ng tabloid nasalisihan ng adik

crime7

PERSONAL na nagtungo sa tanggapan ng Pasay City police ang isang news photographer ng tabloid upang maghain ng pormal na reklamo laban sa kanyang part time driver matapos tangayin ang kanyang video camera na iniwan niya sa loob ng sasakyan sa harap mismo ng headquarters ng naturang presinto kamakailan.

Kanina lang naghain ng reklamo ang news photographer na si Rudy Mabanag laban sa kanyang parttime driver na si Joel Santos, alyas Junjun, 32, ng Barangay 118, Zone 14 EDSA nang matuklasan na iniaalok  ng suspek ang nawawala niyang canon video camera na nagkakahalaga ng P30,000 sa halagang P5,000 sa isang errand boy ng pulisya.

Sa reklamo ni Mabanag, iniwan niya ang kanyang video camera na nakalagay sa kanyang bag sa loob ng kanyang sasakyan noong Enero 11 matapos siyang pumarada sa harapan ng headquarters ng pulisya.

Nang bitbitin na ni Mabanag ang camera bag, bigla umano itong gumaan at nagulat na lamang siya nang matuklasan na wala na ang kanyang video camera. Dahil may duplicate key ang kanyang part time driver, kaagad niya itong sinita subalit mariin itong ikinaila ng suspek.

Napag-alaman na dati nang may rekord ng pagnanakaw si Santos at kilala itong drug addict subalit binigyan pa rin siya ng pagkakataong magbago ni Mabanag matapos kunin bilang part time driver at alalay.

Hindi na rin nagpakita si Santos kay Mabanag mula nang mawala ang kanyang video  camera.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply