Pilipinas inalerto sa pagpasok ng flu virus sa bansa

flu-virus

PINAYUHAN ng mga mambabatas ang gobyerno na maging alerto sa posibleng pagpasok sa bansa ng flu virus mula sa Estados Unidos.

Hiniling ni Deputy Speaker at Zamboanga City Rep. Ma.Isabelle Climaco sa Department of Health (DOH) na mag-isyu ng health alerts sa lahat ng entry points sa bansa kabilang ang Manila, Clark at Cebu.

Sa ganitong paraan ay makatitiyak aniya ang pamahalaan na ang mga dayuhan mula sa Amerika na bibisita sa bansa ay dadaan muna sa mahigpit na screening upang masigurong wala itong dalang nakahahawang flu virus.

Ang naturang uri ng virus ay kalat na sa mga bansa sa Amerika na lubhang delikado at maaaring maging dahilan ng pagkamatay ng isang tao kung saan 20 mga kabataan na ang naitalang nasawi dahil dito.

Sinabi pa ni Climaco na dapat maging maagap at maingat ang health authorities at agad na determinahin kung kinakailangan na ang mass immunization o bakunahan na ang mga tao upang makaiwas sa nakamamatay na flu.

Aniya kailangang paigtingin ng husto ang media plugs at pagbibigay impormasyon tungkol sa nasabing virus.

Iminungkahi naman ni Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casiño na dapat na magkaroon ang pamahalaan ng sistemang pangkalusugan, screening at surveillance method sa bansa.

Payo naman ni Marikina Rep. Miro Quimbo na dapat ay simulan na ang mga ganitong pagbabantay sa  paliparan gaya ng screening sa mga pumapasok sa bansa lalo’t batay sa Department of Tourism’s (DOT), pumapangalawa ang US sa tourist arrivals sa Pilipinas mula Enero hanggang Nobyembre 2012.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply