PINAS INANGAT NI PNOY SA DAVOS

ALINGAWNGAW_Alvin-Feliciano_WEB

UNTI-UNTI nang bumabalik ang Pilipinas sa pedestal o dangal na dati nitong kinalalagyan.

Malinaw sa resulta ng World Economic Forum sa Davos, Switzerland na pinag-uusapan na ang ating bansa lalo na sa usapin ng pag-angat ng ekonomiya.

Kung noong dati ay nakikiusap at naninikluhod tayo sa foreign investors ay iba na ngayon dahil sila mismo ang nakapila upang mamuhunan sa ating bansa.

Mga investor galing sa Amerika, mga bansa sa Europa at Japan ang nag-aalok na mamuhunan sa bansa dahil malinaw na matuwid ang daan sa itinatakbo ng administrasyong Aquino.

Nagtitiwalang muli ang mga dayuhang kapitalista sa Pilipinas dahil sa matinong pamamahala ni Pangulong Noynoy Aquino lalo na sa kampanya nito laban sa katiwalian.

Nakita nila ang sinserong kampanya ng pamahalaang ito sa mga tiwali na nagbunga naman ng paglago ng ekonomiya na umabot sa 7.1 percent Gross Domestic Product growth noong huling parte ng 2012.

Sa pagtatasa ng economists, isang tuwid na tao lang pala ang susi para umangat ang bansa at ito nga ay si PNoy dahil sa halos mahigit na dalawang taon nito sa pamamahala ay tinitingalang muli na ang Pilipinas.

May charter-change man o wala ay umangat ang Pilipinas kaya’t tama lamang ang pahayag ni PNoy na hindi napapanahon ang pagbabago sa Saligang Batas ng republika.

Isa pa sa nagpatunay na may tiwala na ang mundo sa Pilipinas ay ang nakatakda nilang pagsasagawa ng World Economic Forum (East Asia Summit) sa 2014 na kung saan tinatayang dadaluhan ito ng mga iginagalang na kapitalista, ekonomista at lider ng iba’t ibang bansa sa mundo.

Nasa tamang daan ngayon ang ‘Pinas kaya’t dapat lang na magpatuloy ang suporta at tiwala natin kay Pang. Noynoy dahil tiyak na aangat pa ang ating bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply