PLASTIC BAN SA SUBIC FREEPORT

ito ang totoo

MAGANDA ang responde ng mga establisimento sa Subic Bay Freeport (SBMA ang maling tawag ng marami) sa pagpapatupad ng “Ban” sa paggamit ng plastic bilang supot o pambalot ng mga binili, mapapagkain o hindi.

Anim na buwan ding iniliban ang pagpapatupad nito para makapaghanda ang mga establisimyento, na sa inisyal na resulta ng monitoring, ay papel o “biodegradable”  na ang gamit na pambalot sa mga naibebentang paninda.

Ito Ang Totoo: layon ng ban sa plastic na mabawasan, kundi tuluyang mawala, ang pagdami ng basurang hindi nabubulok na sanhi ng polusyon hindi lamang sa kalupaan kundi maging sa mga ilog at karagatan.

Masalimuot pa, sa ating pananaw, ang istratehiyang ito, pero ang maganda nito, may ginagawang aksiyon ang pamunuan ng SBMA bilang tagapangasiwa ng Subic Bay Freeport laban sa polusyon at pinsalang dala ng pagdami ng basurang hindi nabubulok tulad ng plastic.

Ang hindi maganda, sa katabi lamang na lungsod ng Olongapo, hindi nagpapatupad ng ban sa paggamit ng supot o pambalot na plastic.

Ito ang Totoo: malaki ang bahagi ng mga basurang plastic na lulutang-lutang sa Subic Bay ay galing sa mga ilog ng Olongapo, partikular ang Kalaklan River na karugtong ng mga daluyan ng tubig sa lungsod.

Kung tutuusin, mas dapat magpatupad ng plastic ban ang lungsod ng Olongapo dahil kung magiging epektibo, maliligtas ang Subic Bay mula sa mga plastic na dala ng ilog galing sa mga nagsisiksikang kabahayan at establisimyento sa mga baybaying  ilog ng lungsod.

Hindi pa naman po palasak ang dumi sa Subic Bay, ayon sa Ecology Department ng SBMA, ligtas at pasado pa ito bilang paliguan at pasyalan ng mga turista, lokal at dayuhan, at maging sa pangingisda.

Pero ang sa atin, huwag nang hintaying lumala ang situwasyon para na rin sa kapakanan ng mga mamamayang umaasa sa Subic Bay bilang pinagmumulan ng kabuhayan, mapaturismo o pangingisda.

Mangyayari lamang po ito kung magkakaisa ang mamamayan at pamunuan ng mga komunidad sa paligid ng Subic Bay. Ito ang Totoo!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply