PNOY NASA PANIG NG KATOTOHANAN

ALINGAWNGAW_Alvin-Feliciano_WEB

ISANG malaliman at makatotohanang imbestigasyon ang ipinag-utos ni Pangulong Benigno Aquino III matapos makita at mapagtanto na may mali sa nangyaring shootout sa Atimonan, Quezon kung saan 13 katao ang nasawi, kabilang ang isang opisyal ng Philippine National Police na nakatalaga sa Region 4-B,  dalawang pulis at dalawang sundalo.

Dahil dito, makikitang walang pinagtatakpan ang Pangulong Noynoy at maging siya ay hindi kumbinsido na walang ibang motibo sa naganap na checkpoint shootout kung saan lumutang ang pangalan nina Supt. Hansel Marantan, Deputy chief ng Calabarzon Police Regional Intelligence Division, at Victorino Siman, isang umano’y operator ng bookies sa Laguna.

Kaagad naman ang ginawang pagsibak ni PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima sa provincial director ng Quezon at tatlong iba pa upang mabigyang kasiguruhan ang pamilya ng mga nasawi at magkaroon ng parehas na imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay ng mga biktima,  kabilang na si Tirso Lontoc, kilala at iginagalang na environmentalist na kamag-anak ni Agriculture Secretary Proceso Alcala, sa mga nasawi na pawang tinadtad ng bala sa loob ng sinakyan nilang dalawang SUV.

Nasisilip ni Pangulong Noynoy na maaaring positibo na may nakalatag na checkpoint sa lugar subalit may mali sa paghawak ng insidente dahil kung talagang totoo, aniya, na may naganap na palitan ng putok, sa normal na pangyayari, tiyak na masusugatan kung hindi man mamamatay ang mga taong nasa checkpoint at ang mga suspek ay mahuhuli.

Ngunit sa nangyari, lahat ng lulan ng sasakyan ay siniguradong patay at wala nang makapagsasalita upang magbigay ng linaw sa naganap kung alin ang totoo — shootout o rubout.

Pawang nakatikom na ang bibig kung illegal gambling nga ba talaga ang dahilan ng barilan at kung may milyon-milyong salapi na nawawala.

“Dead man tells no tale.” Tama dahil walang makapagsasalita.

Pawang ang nagbibigay ng komento ay wala sa lugar kaya masasabing ispekulasyon lang ang mga ito.

Kaya nga para maging malinaw ang lahat, titingnan ng PNP at National Bureau of Investigation ang lahat ng anggulo base sa kautusan ni Pang. Noynoy.

Tama naman ang desisyon ng Pangulo na imbestigahang mabuti at kailangang walang papanigan o hindi magiging bias dito, lalo na ang NBI.

Nilinaw ng Pangulo na  may mali sa imbestigasyon  base sa mga ulat na ipinadala sa kanyang tanggapan ni PNP chief Purisima.

O Hayan, mga kababayan, walang pinapanigan si PNoy.  Hanap lang talaga niya ang katotohanan at katarungan hindi lang sa pamilya ng mga nasawi kundi maging sa panig ng PNP na nahusgahan dahil sa pangyayari. Sa imbestigasyon, lalabas ang katotohanan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply