PNoy walang nilabag na election rule – Comelec

PNOY-5

WALANG nilabag na election rule si Pangulong Benigno Aquino III nang himukin nito ang mga residente ng Cebu City na ihalal ang senatorial bets ng administrasyon sa May 13 midterm polls.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., mismong ang Korte Suprema na ang nagsabi na walang tinatawag na ‘premature campaigning’ ngayon.

Paliwanag ni Brillantes, sa ngayon ay wala pang itinuturing na kandidato at ang isang tao ay nagiging kandidato lamang sa panahon ng election period.

“Wala ho talaga. Yan ang desisyon ng Korte Suprema. Wala ho tayong premature campaigning ngayon. There are no candidates. Ang essence ng campaign is asking for votes to a particular candidate. Wala pa pong kandidato ngayon. You only become a candidate under the automation law during the election period,” anang Comelec chief, sa panayam ng radyo.

Ang pahayag ni Brillantes ay reaksiyon sa pagtungo ni Pangulong Aquino at ilang kandidato ng administrasyon sa lalawigan ng Cebu noong Miyerkules.

Sa nasabing okasyon, sinabi ng Pangulo na kailangan niya ang kanyang mga senatorial bets upang maipagpatuloy ang reporma at tuwid na daan na isinusulong ng kanyang administrasyon.

“Ang tanong: Itutuloy ba natin ang pagtahak sa tuwid na daan ng kaunlaran? O gusto ba nating mag-U-turn pabalik sa kanto ng katiwalian at kalsada ng kahirapan?” anang Pangulo.

“Magiging suwabe lang po ang biyahe natin kapag mayroon tayong kakamping hindi magka-counterflow sa tuwid na daan at talagang makikipagbayanihan upang maitulak ang ating mga reporma,” aniya.

“Ako na po mismo ang nagsasabi sa inyo: Kailangan natin sila upang tuluy-tuloy nating maisulong ang bayan. Sila po, tulad natin, ay pinili rin ang tuwid na daan ng paglilingkod-bayan. Suportado po natin sila dahil bukod sa hindi sila tiwali ay malinaw rin sa kanila kung ano ang dapat ipaglaban at kung alin ang mali na dapat iwaksi ng lipunan,” aniya pa.

Ang campaign period para sa national candidates ay nakatakda sa Pebrero 12 habang sa Marso 30 pa naman maaaring mangampaniya ang mga local candidates.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply